Ang pagsuway sa kagustuhan, payo at aral ng ating magulang ang magbubulid sa atin sa kapahamakan. (Kawikaan 23:9-12). “Huwag kang hihiwalay sa mabubuting aral. At pakinggan mong mabuti ang salita ng karunungan”. (Kawikaan 23:12)

NAKAKUWENTUHAN ko ang dati kong kababata at nailahad niya sa akin ang mga naging kabiguan niya sa kaniyang buhay. Malungkot niyang ikinuwento ang kaniyang naging kapalaran.

Sinabi niya sa akin na noong kaniyang kabataan ay masyado siyang sutil o matigas ang ulo. Hindi siya sumusunod sa mga payo ng kaniyang magulang.

Ginagawa niya ang kaniyang maibigan at sarado ang kaniyang mga tenga sa payo ng kaniyang ama't ina. Ang katuwiran niya kasi, mayroon siyang kalayaan gawin ang mga bagay na sa tingin niya ay magpapaligaya sa kaniya.

Kaya sinubukan niyang pasukin ang isang magulong buhay. Hanggang sa unti-unti na siyang malulong sa iba’t-ibang uri ng masasamang bisyo. Inakala niya noong una na iyon ay magdudulot sa kaniya ng walang hanggang kaligayahan.

Subalit kalaunan, napagtanto niya na ito pala ang unti-unting maghuhulog sa kaniya sa kapahamakan at kasalanan. Napag-isip-isip niya na kung nakinig lamang siya sa payo ng kaniyang magulang ay hindi sana siya hahantong sa isang masalimuot na sitwasyon. Katulad ng kasalukuyang nararanasan niya ngayon--ang magdusa sa loob ng kulungan.

Wala na rin ang kaniyang mga magulang para muling magpayo at umalalay sa kaniya. Mag-isa na lamang niyang hinaharap ang bunga ng maling desisyon niya sa buhay. Hindi na siya madadamayan ng kaniyang mapagmahal na ama at ina.

Ang pagsuway sa payo ng ating mga magulang ay isang malinaw na indikasyon na hindi tayo natatakot sa ating ama at ina. Pagpapakita rin ito na hindi natin sila iginagalang. Kung hindi natin ikinagalang ang ating mga magulang dito sa ibabaw ng lupa, papaano pa kaya ang pagtingin natin sa ating Diyos Ama sa Itaas?

Maituturing na ang pagsuway sa mga payo at aral ng ating magulang ay isang uri ng kamangmangan. Sapagkat binabalewala natin ang kanilang mga pangaral na kanilang natutunan sa kanilang sariling aral sa buhay.

Matuto tayo sa ipinapayo ng Pagbasa mula sa Sulat ng Kawikaan (Kaw. 23:9-12), na maaaring ikapahamak ng sinoman ang “pagte-tengang kawali” o pagbi-bingihan sa mga payo ng ating magulang.

Sapagkat ang payo ng mga nakakatanda ay tinatawag na “golden rule” na magsisilbing giya o gabay natin patungo sa landas ng isang maayos at masaganang buhay.

Pakatandaan na walang magulang na maghahangad ng masama sa kanilang anak. Walang magulang na magpapayo na ikapapahamak ng kanilang anak.

Itinuturo sa Aklat ng Kawikaan (Kaw. 1:8-9) na dinggin natin ang aral ng ating magulang at ito’y huwag natin ipagwalang-bahala. Sapagkat ito ay parang isang korona sa ating ulo at kuwintas na may dalang karangalan.

“Anak ko, dinggin mo ang aral ng iyong Ama, at huwag ipagwalang-bahala ang turo ng iyong Ina. Sapagkat ang mga iyon ay parang korona sa iyong ulo, parang kuwintas na may dalang karangalan”. (Kaw. 1:8-9)        

Kailanman ay walang anak na napahamak at napariwara matapos nilang sundin ang payo ng kanilang magulang. Subalit marami ang napahamak at nabulid sa masalimuot na sitwasyon ng buhay kapag sila nama'y sumuway.

“Disiplinahin mo ang bata. Ang wastong pagpalo ay hindi niya ikamamatay, inililigtas mo pa siya mula sa daigdig ng mga patay.” (Kaw. 13-14).

MANALANGIN TAYO: Panginoon, tulungan Niyo po kami na matutong sumunod sa payo ng aming magulang upang huwag po kaming mapahamak at mapariwara. Nawa’y maikintal sa aming puso at isipan ang takot aming magulang para maging maayos ang takbo ng aming buhay. AMEN.

--FRJ, GMA News