“Sa pananalangin huwag kayong gagamit ng maraming salitang walang kabuluhan. Gaya ng ginagawa ng mga Hentil. Ang akala nila’y papakinggan sila ng Diyos dahil sa haba ng kanilang sinasabi. Huwag ninyo silang tutularan”. (Mateo 6:7-9).

NAPAPANSIN ba ninyo kung minsan na may tao na wala nang ginawa kundi ang ibida ang kaniyang sarili. Yun bang lagi na lamang niyang ipinagyayabang ang mga nagawa niya.

Masyado niyang ibinibida ang kaniyang mga nagawa na para bang siya na ang pinakamagaling at pinakamahusay sa lahat ng tao sa mundo.

Naiibigan mo bang pakinggan ang kuwento ng ganitong uri ng tao walang ginawa kung hindi ipagyabang ang sarili at tila hindi alam ang salitang pagpapakumbaba.

Maging sa ating mga panalangin sa Panginoong Diyos, hindi rin magandang pakinggan ang pagdarasal na gumagamit ng napakaraming salita at wala naman kapararakan. Lalo na kung naglalaman lamang ng kapalaluan at pagbibida sa kaniyang mga ginawa.

Katulad ng isang kuwento sa Bibliya tungkol sa Talinghaga ng isang Pariseo at ng Maniningil ng Buwis (Mateo 18:9-14). Umakyat ang dalawang taong ito para manalangin sa Panginoon. Subalit ang Pariseo ay walang ginawa kundi ibida ang lahat ng kaniyang ginagawa. (Mt. 18:11-12)

“Tumayo ang Pariseo at nanalangin nang ganito tungkol sa kaniyang sarili. “O Diyos, nagpapasalamat ako sa Inyo sapagkat hindi ako katulad ng iba na magnanakaw, mandaraya, mangangalunya o kaya’y katulad ng maniningil ng buwis na ito. Dalawang beses akong nag-aayuno sa loob ng sanlinggo at nagbibigay rin ako ikasampung bahagi mula sa lahat ng aking kinikita.” (Mt. 18:11)

Habang ang maniningil ng buwis naman ay buong kababang-loob niyang inamin ang lahat ng kaniyang kasalanan sa harap ng Panginoon. Matapos niyang sabihin na isa siyang makasalanan, buong kababang-loob siyang humihingi ng kapatawaran at awa sa Diyos.

Namutawi sa labi ng maniningil ng buwis ang mga salitang ito. “O Diyos, mahabag po Kayo sa akin na isang makasalanan”. (Mt. 18:13) Na isang tanda ng kaniyang pagpapakababa sa harap ng Panginoon.

Kaya pinapaalalahanan tayo ngayon ng Ebanghelyo (Mateo 6:7-15) na kapag tayo ay mananalangin sa ating Panginoong Diyos ay kailangan natin tiyakin na ang ating mga dasal ay naglalaman ng kababaang-loob at pagsisisi sa ating mga kasalanan.

Hindi natin kailangang gumamit ng napakaraming salita na walang naman kabuluhan tulad ng ginagawa ng mga Hentil, ayon sa Pagbasa. Alam na ng Diyos ang laman ng ating mga panalangin bago pa man natin ibuka ang ating labi.

Ang ating pagdarasal sa Panginoon ay isang uri ng komunikasyon sa Kaniya. Ito ang ating linya upang maiparating natin sa Diyos ang lahat ng nilalaman ng ating mga puso.

Kaya itinuro sa atin ng Panginoong Hesus ang tamang pamamaraan ng pananalangin at hindi natin dapat tularan ang estilo ng mga Pariseo. Dahil alam na ng ating Amang nasa Langit ang ating kailangan bago pa natin ito hilingin sa Kaniya (Mt. 6:8)

Ang pinakamahalaga sa ating pagdarasal ay ang ating pagpapakumbaba. Pag-aralan at alamin natin mabuti ang kahulugan ng salitang “humility” dahil itinuro ni Hesus sa atin ang pagdarasal ng “Ama Namin”. (Mt. 6:9-13)

“At patawarin mo kami sa aming mga kasalanan. Tulad ng pagpapatawad namin sa mga nagkakasala sa amin”. (Mt. 6:12)

Hindi lamang naglalaman ng kababaang-loob ang ating pananalangin sa Panginoong Diyos. Mahalaga rin ang pagpapatawad sa mga taong nagkasala sa atin, gaya ng paghingi natin ng kapatawaran sa Diyos sa nagawa nating mga kasalanan.

MANALANGIN TAYO: Nagpapasalamat po kami Mahal na Panginoon sa pagtuturo Ninyo sa amin ng tamang pananalangin. Nawa'y mapagsikapan namin ang magpakumbaba sa akin pakikipag-usap Sa'yo, sSapagkat mas pinahahalagahan Mo ang nilalaman ng aming mga puso. AMEN.

--FRJ, GMA News