Nauwi sa rambulan ang liga ng basketball sa Guagua, Pampanga. Nag-ugat daw ng gulo nang mag-dirty finger ang isang fan sa isang manlalaro ng kalabang team.

Sa ulat ni CJ Torrida sa GMA Regional TV "Balitang Amianan" nitong Biyernes, sinabing mahigpit ang laban sa 4th quarter ng magkalabang koponan na Barangay Sta. Ursula at Barangay San Rafael, na ginawa sa covered court ng Barangay San Matias.

Pero napikon umano ang isang player ng Santa Ursula habang nag-i-inbound ng bola nang mag-dirty finger sa kaniya ang isang nanonood.

Pinatulan umano ng manlalaro ang naturang nanonood na sinasabing fan ng kabilang team at doon na nagsimula ang rambulan.

ADVERTISEMENT

Makikita sa amateur video ang kaguluhang naganap at napuno ng tao ang basketball court.

Sandaling humupa ang kaguluhan nang tumunog ang mga pito. Pero muling nagkagulo nang may ilang kalalakihan na nagpalitan na naman ng suntok.

Ayon kay Police Major Joel dela Cruz, hepe ng Guagua Police, hindi inireport sa kanila ang naturang insidente.

"Pero naitawag sa mobile natin na nagpa-patrol ng isang concerned citizen. Pagdating ng tropa doon, ongoing na muli yung paglalaro ng basketball. Ang sabi daw ng SK chairman, nagkaroon ng kaunting gulo pero na-pacify na rin," sabi ni Dela Cruz.

Inihayag din ng mga awtoridad na nagkasundo na ang mga taong nasangkot sa gulo.

"Na-invite na natin yung tatlong tao, in-assist din sila ng barangay captain nila. Ang sabi nila wala naman silang reklamo sa isa't isa at nagkaayos na kami sabi nila," ayon pa kay Dela Cruz.

Payo ng mga awtoridad sa mga naglalaro, maging mahinahon at huwag magpapadala sa init ng ulo. -- FRJ, GMA News