Kinubra na ng isang delivery rider sa tanggapan ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) ang napanulunan niyang P33.070 milyon na jackpot prize sa Megalotto 6/45.

Sa pahayag ng PCSO, sinabing nakuha ng delibery rider na mula sa Pasay ang winning combination na 02-05-10-30-27-19 sa 6/45  drawn noong Abril 20,2022.

Kombinasyon umano ng birthdate at mga edad ang miyembro ng pamilya ang tinayaan nitong mga numero.

Bilang padre de pamilya, sapat lang umano ang kaniyang kinikita bilang delivery rider para matugunan ang kanilang pangangailangan.

Plano raw ng masuwerteng delivery rider na magtayo ng negosyo mula sa kaniyang napanalunan.

“Iniisip ko po na ito po ang kaloob ng Diyos sa akin. Dahil sa nakaraang dalawang taon na nasa pandemya tayo hindi po kami tumigil sa pagtatrabaho at maghatid ng mga pagkain at parcel sa mga taong hindi makalabas ng kanilang mga tahanan,” ayon sa rider sa inilabas na pahayag ng PCSO.

Sa Superlotto 6/49 draw nitong Martes, Mayo 10, 202, isang mananaya ang nanalo ng mahigit P71 milyon. --FRJ, GMA News