Sa Osorno, Chile, habang nasa maselang kalagayan ng kaniyang kalusugan, ipinagtapat ng isang 65-anyos na ama sa kaniyang mga anak ang nakakakilabot niyang sikreto na 24 na taon niyang itinago--ang pagpatay at paglibing sa kaniyang asawa.

Sa video ng GMA News Feed, sinabing habang nakaratay ang  padre de pamilya ay ipinagtapat niya sa kaniyang mga anak na hindi totoong naglayas at inabanadona sila ng kanilang ina.

Pinatay daw niya ang asawa at inilibing sa kuwadra ng mga kabayo sa isang sports club.

Inireport kaagad sa mga awtoridad ng isa sa mga anak ang ipinagtapat ng kanilang ama. Nang maghukay ang Chilean Investigative Police sa itinurong kuwadra, may nakita silang mga buto at damit ng isang pinaniniwalaang babae.

Pero hinihintay pa ng mga awtoridad ang resulta ng DNA test para makumpirma kung ito nga ang nawawalang ginang.

Hindi pa nagbibigay ng panayam ang pamilya pero ikinagulat ng kanilang mga kaibigan at kakilala ang nangyari.

Sa imbestigasyon ng pulisya, lumabas na nangyari ang krimen noong 1998. Nang panahong ito, nagtatrabaho pa ang suspek na padre de pamilya  bilang farm worker sa private property kung saan inilibing ang bangkay ng kaniyang asawa.

Labis na selos daw ang nagtulak sa suspek para mapatay niya ang kabiyak.

Nang biglang mawala ang ginang, sinabi ng suspek sa kaniyang mga anak na lumayas at inabandona na sila ng kanilang ina.

Sa kabila nito, hinihinala ng mga abogado na posibleng hindi na makasuhan ang suspek dahil matagal nang nangyari ang krimen. Bukod pa rito ang malubha niyang kalagayan.--FRJ, GMA News