Labis na nagdadalamhati si Jelai Andres sa pagpanaw ng dalawa niyang alagang aso na sina Kitty at Neko. Hinala nila, nilason ang mga aso.

Sa 22-minute video na ini-upload sa Youtube, sinabing hindi agad ipinaalam kay Jelai ang pagkamatay ng dalawang aso.

"Ang sakit-sakit kasi dalawa at mag-ina," sabi ng umiiyak na si Jelai.

Ayon sa pamilya, napansin nila na may problema sa kanilang mga alaga nang hindi sila salubungin ni Neko sa gate.

ADVERTISEMENT

Habang si Kitty, sumalubong naman nang dumating sila pero kaagad din na tumigil.

"Si Whitie, mamula-mula din. Nanginginig. Pero kaya niya. Nabuhay," sabi ng kaibigan ni Jelai.

Hinala nila, may naglalason ng aso sa kanilang subdibisyon.

"Trick ba 'to?" tanong ni Jelai. "May nanglalason ba ng mga aso sa subdivision?"

"Kung target yung mga stray, hindi stray yung mga napatay niyo. At kahit stray, inaapon nga namin yung mga stray eh. Kung stray yung pinapatay, mali 'yan. Wag kayo pumatay ng stray," anang aktres.

Humihingi ng tulong si Jelai sa mga organisasyon tulad ng Pawssion Project at Paws, para maimbestigahan ang pagkamatay nina Neko at Kitty.

Maghahanap sila ng CCTV footage na maaaring makatulong sa paghanap ng kasagutan sa pagkamatay ng kanilang alaga.

"Parte po ng pamilya yung mga alaga, 'wag niyo po patayin," hiling niya. "Walang kalaban-laban yung mga aso." — FRJ, GMA News