Sa halip na gawing tinola matapos matalo sa laban, inilagay sa maayos na ataul at binigyan nang disenteng libing ang isang panabong na manok sa Quezon, Nueva Ecija.

Sa ulat ni Ivy Hernando sa GMA Regional TV "Balitang Amianan" nitong Biyernes, napag-alaman na pinangalanan ni Rowell Tuban, ang namatay niyang alagang manok bilang si "Sonny."

Nag-viral sa social media ang video ni Tuban nang i-post niya ang ginawang pagbibigay ng maayos na libing kay Sonny na inilagay niya sa maliit na kabaong.

Ibinurol din ng isang araw si Sonny bago inilibing sa bakuran nina Tuban.

Ayon kay Tuban, pinakapaborito niya sa mga alaga niya si Sonny na nagdala raw ng suwerte sa kanilang buhay.

Kaya naman naisipan ni Tuban na bigyan ng maayos na libing ang alaga bilang alaala ng pagmamahal at pasasalamat kay Sonny.

"Mahal na mahal namin yung manok na 'yon kasi ilang beses na kaming binigyan ng panalo," ani Tuban. "Nakabili po ako ng sariling motor dahil sa manok na 'yon."

Apat na beses daw nanalo si Sonny sa laban pero hindi siya pinalad sa huli niyang laban at nagtamo ng matinding sugat. Sinubukan pa siyang gamutin ng ilang araw pero pumanaw din ang manok.

Ayon kay Tuban, hindi niya inasahan na magba-viral ang post niya tungkol sa pagbibigay niya ng maayos na libing sa kaniyang alaga.-- FRJ, GMA News