Dahil laging wala sa focus ang mga kuha, hindi pumasa bilang camerawoman sa studio ng "Eat Bulaga" si Miles Ocampo. Sinubukan naman niya ngayong maging bahagi ng production team sa segment na "Sugod-Bahay."

Sa episode ng "Eat Bulaga" ngayong Huwebes, nakita ni Bossing Vic Sotto na kasama sa van nina Jose Manalo at Wally Bayola si Miles na may hawak na ilaw.

Papunta sa barangay sina Jose at Wally para mamigay ng premyo sa segment na "Juan For All, All For Juan," o "Sugod-Bahay."

Dahil bagsak bilang camerawoman, sinabi ni Miles na susubukan niya ang ibang trabaho basta makabalik lang siya sa "Eat Bulaga."

ADVERTISEMENT

"Nag-a-audition ka para sa barangay?," tanong ni Vic kay Miles.

"Opo, Bossing. Kasi po legit dabarkads po talaga ako kaya gagawin ko po lahat para makabalik po," sabi ni Miles.

Napatalsik si Miles bilang dabarkads o host ng "EB" matapos na matalo sa "Bida Ex," na pasiklaban ng mga host ng programa.

Tinanong ni Vic si Miles kung ano ang puwedeng maging trabaho niya sa barangay. Pinaalalahanan din niya si Miles na marami at mabigat ang trabaho sa Sugod-Bahay segment.

"Yan po nag-iilaw, puwede rin po akong crowd control, utility, lahat po Bossing," sagot niya.

Sa buong segment ng Sugod-Bahay, nakasama nina Jose at Wally si Miles na may bitbit na TV monitor at makikitang pawis na pawis.

Nag-alaga rin siya ng anak ng napiling winner.

Sa huli, sinabi ni Bossing Vic na pag-iisipan nila kung puwedeng magtrabaho sa barangay o Sugod-Bahay si Miles. Abangan.--FRJ, GMA News