Inilahad ni Ruru Madrid kung papaano nakatulong sa kaniya si Bianca Umali para mapabuti ang kaniyang sarili.

Sa "Surprise Guest with Pia Arcangel," ikinuwento ni Ruru na mayroon siyang pinagdadaanang pagsubok nang dumating sa kaniyang buhay si Bianca. 

"Parang I need someone na makakatulong sa akin, and dumating si Bianca sa buhay ko," anang aktor.

Si Bianca umano ang nagpapaalala sa kaniya na darating ang tamang panahon para sa kaniya.

"Pero lahat, si Bianca nandoon siya, nung mga panahon na 'yun. Nu'ng mga panahon na umiiyak ako, na parang pakiramdam ko walang nangyayari sa akin, sa career ko. But sa kaniya, nakikita ko like lahat ng projects ni Bianca lahat nagwo-work, lahat kumbaga sobrang gaganda ng projects na ginagawa niya," sabi ni Ruru.

"Parang siya 'yung naging sandalan ko, siya 'yung kapag umiiyak ako, siya 'yung tagasalo lahat ng mga problema ko," patuloy ng binata.

Matatandaang dumating din sa mga pagsubok ang paggawa ng "Lolong" dahil sa pandemya, na umabot ng dalawang taon.

"Dumating na 'yung Lolong, lagi kaming nade-delay. Siya lang ang nagpapalakas ng loob ko. 'Tandaan mo itong sasabihin ko sa 'yo. Someday, dadating 'yan sa 'yo, hindi man ngayon, pero dadating 'yan sa 'yo dahil alam ko na binibigay mo ang puso mo sa bawat ginagawa mo," kuwento niya.

Ngayon, mas bukas na si Ruru na pag-usapan ang tungkol sa kanila ni Bianca.--FRJ, GMA News