Isa sa mga kinikilalang hot mom sa Philippine showbiz si Geneva Cruz. Kitang-kita ang kaniyang fit and fab body sa mga larawan na ipino-post niya sa social media, na naba-bash kung minsan.

Sa programang "Pinoy MD," binalikan ni Geneva ang mga bikini post niya na pinuna ng ilang basher tulad ng pagsita na maitim umano ang singit niya.

"Sabi ang itim ng singit. Parang sinagot ko lang [na] sabi ko 'that's called showdow.' Sabi ko pasensiya ka na I forgot to photoshop it for your delight," kuwento ni Geneva.

Sabi pa ng aktres, "I don't post pictures para lang sa kaligayan ninyo."

Nais daw ni Geneva ang body positivity sa pag-post niya ng kaniyang bikini photos na kita rin ang kanilang bilbil, stretch marks, at loose skin.

May pumuna rin umano sa kaniya na hindi na siya dapat mag-post ng larawan na naka-bikini dahil 40's na siya at masagwa nang tingnan at nakakahiya.

"Parang sinasabi ko na 'watch me.' Kung masaya ako sa bikini ko hindi naman nakakasakit, leave me alone," anang aktres.

Ayon kay Geneva, ipinapakita niya rin ang imperfections sa kaniyang katawan sa kaniyang mga bikini post.

"Kasi ayoko ring isipin nila na just because celebrity kami we're pecfect, we're not," sambit niya.

Sa pagsagot niya sa mga basher, sinabi ni Geneva na nais din lang niyang ipagtanggol ang ibang katulad niya ang edad na nagbi-bikini at maging sa mga ina na may bilbil, stretch marks at loose skin na hindi nauunawaan ng iba.

Kaya hinihikayat niya ang mga kababaihan na mahalin at ipagmalaki ang kanilang katawan.

Bilang inspirasyon din sa iba, sinabing nagsimulang mag-workout si Geneva noong 2014 nang isilang niya ang pangalawa niyang anak. Naging coach pa niya sa kaniyang workout ang panganay na anak na si Heaven.

Ngayon, may sinusunod na siyang regular workout. Kaya hindi lang siya strong physically, kung hindi maging mentally din.

Mas nakita raw ni Geneva ang pangangailangan na pangalagaan ang kalusugan nang pumanaw ang kaniyang ina dahil sa COVID-19. Panoorin ang workout ni Geneva sa video ng Pinoy MD.--FRJ, GMA Integrated News