Ikinuwento ni Sunshine Cruz na nanumbalik ang kapayapaan sa puso ng kaniyang mga anak matapos silang magkasundo ng kaniyang dating asawa na si Cesar Montano. Ayon sa aktres, pinayuhan niya ang aktor na magpakabait na alang-alang sa mabait nitong bagong partner na si Kath.

"Very, very happy ako kasi nakikita ko kung paano nag-shine ang eyes ng mga anak ko. At sila na mismo ang nagsabi na 'yung peace na lacking sa heart nila, parang puzzle, nabuo ulit," sabi ni Sunshine sa "Fast Talk with Boy Abunda."

"And I am very, very happy that I am okay," dagdag pa niya.

Matatandaang sinalubong nina Sunshine at Cesar ang bagong taon na kasama ang kanilang mga anak.

ADVERTISEMENT

Nagpost ang isa nilang anak na si Angelina, habang sinasalubong ng pamilya ang bagong taon sa Bohol.

Si Cesar at ang partner nito na si Kath ang nag-host ng kanilang dinner.

"And ang sabi ko nga kay Cesar, 'Magpakabait ka na diyan kay Kath. Napakaganda, napakabait. Napakaswerte mo. Mag-behave ka.' Kasi kung hindi, makakaaway niya kaming lahat ng mga anak ko. So I am very happy sa relationship that I have with all of them," sabi ni Sunshine.

Bago ang pagsasama noong New Year, nakitang magkasama rin sa larawan sina Sunshine at Cesar sa 18th birthday ng anak nilang si Sam noong nakaraang taon. Dumalo rin sa naturang okasyon si Kath.

Taong 2018 nang mapawalang-bisa na ang kasal nina Cesar at Sunshine.

Bago matapos ang 2022, nag-post si Sunshine sa social media na nagsasaad na nangibabaw ang "love and forgiveness" sa kanilang pamilya.

Sa "Fast Talk with Boy Abunda" nitong Huwebes, inihayag ni Sunshine na isa ang trust sa mga nawala na nagdulot sa hiwlayan nila ni Cesar. --FRJ, GMA Integrated News