Inamin ni Pokwang sa "Fast Talk with Boy Abunda" na umasa siya noon na magkakabalikan pa sila ng kaniyang partner na si Lee O'Brian. Ngunit ang pambababae umano nito, nakita rin daw ng kanilang anak.

Sa episode ng naturang showbiz talkshow nitong Biyernes, binalikan ni Tito Boy ang mga maaanghang na pahayag ni Pokwang tungkol kay Lee na “manggagamit,” “hindi nagbigay suporta ng limang taon,” at ipinagpalit siya sa isang “chaka.”

Taliwas ito sa mga naunang pahayag ni Pokwang noon na isang mabuting ama si Lee.

“Umaasa ako na mag-aayos pa kami para kay Malia, one day mag-aayos pa, lunukin niya ang pride niya. ‘Yun ang ipinagdarasal ko talaga, gabi-gabi akong umiiyak,” sabi ni Pokwang.

“Iba siya. Ever since noong naging kami hindi ka (Lee) nag-sorry sa akin. Hindi ko narinig ‘yung word na sorry. For six years, alam niya ‘yan. ‘Pag nag-aaway kami hindi ko naririnig sa kaniya ang word na sorry ever,” dagdag ng komedyana.

“User. Hindi nagbigay ng suporta ng limang taon sa iyong anak. Nagsasabi ka ba ng totoo?” diretsahang tanong ni Tito Boy.

“’Yun ang naramdaman ko, feeling ko hindi niya ako minahal talaga. Feeling ko, hindi niya ako minahal, nagkaanak lang kami pero feeling ko kasi nandiyan na ‘yan,” tapatang pag-amin ni Pokwang.

Tinanong ni Tito Boy kung bakit ganito ang nararamdaman ni Pokwang.

“Bakit kailangan pa itong patagalin ng one year? ‘Di ba dapat kung talagang mahal niya kaming mag-ina, one month, two months,” saad niya.

Hindi rin umano ipinaramdam ni Lee ang pagmamahal niya kay Pokwang sa mga espesyal na okasyon.

“Valentines, Mothers’ Day, wala ako natatanggap na bulaklak. Hindi sa nagiging demanding ako. Nagtatanong lang ako.”

Sinabi rin ni Pokwang na ang kaniyang mga kaibigan na mismo ang nakakakita tungkol sa pambababae umano ni Lee.

“Marami ako mga kaibigan na nakikita siya, may kasama siya, pero hindi inano ‘yun, sabi ko ‘Baka kaibigan nu’ng ano niya.’ Hindi ko po ‘yun binigyan ng malisya.”

Hanggang sa maging ang anak na nilang si Malia ang nakakita na may iba umanong kausap si Lee na babae.

“Sinundo ko ‘yung bata, galing ako ng Dumaguete. Sinundo ko sa condo niya. Ang sabi lang ng bata ‘There’s a lady talking to dada with the same color of your skin.’”

Hindi ko na lang pinakita, umiyak ako, pero hindi ko siya pinakita sa bata. Kinimkim ko ‘yun,” sabi ni Pokwang.

“This is it anak, sa loob-loob ko, wala na,” dagdag niya.

Tinanong ni Tito Boy kung umaasa pa si Pokwang na magkabalikan sila ni Lee at mabuo ang kanilang pamilya.

“Hindi ako magsisinungaling Tito Boy, talagang mahal ko siya kaya lang sa mga lately na paghaharap namin, nakita ko na wala na,” anang aktres.

Sinubukan din umano nina Pokwang at Lee na mag-usap.

“We tried pero, (napabuntong hininga si Pokwang) wala eh ang taas talaga ng pride.”

Mensahe ni Pokwang kay Lee: “Minahal kita. Lumaban ako para sa anak natin. Lahat ng mga pambabato sa akin, lahat sinasalo ko para sa anak natin. Hindi ko nakita sa ‘yo, hindi ko naramdaman sa ‘yo. Pero kung sakaling ako uli ang magiging nanay ni Malia, sa mga susunod kong buhay, lalaban pa rin ako para sa kaniya.”

Sa parehong panayam, ikinuwento ni Pokwang na lumala pa ang mga pag-aaway nila ni Lee nang hindi na siya nito ina-update sa kanilang negosyo.

Nilinaw naman ni Pokwang na komunsulta siya sa abogado, hindi para sampahan ng reklamo si Lee kundi para mabawi ang kaniyang YouTube channel at ayusin ang custody ng kanilang anak.

“Hindi po kami nag-file ng case. Inaayos lang po sa custody ng bata at saka ‘yung dapat naming mabawi, ‘yung YouTube channel tsaka mga social media and kung ano ang dapat i-ano namin kay Mali. Kasi sa totoo lang five years kang hindi nag-aabot, alam mo ‘yan. Pero nanahimik ako,” sabi pa ni Pokwang.

Inilahad ni Tito Boy na bukas ang “Fast Talk with Boy Abunda” para sa panig ni Lee O’Brian--FRJ, GMA Integrated News