Dahil sa pagtatanggol at pagtatakip sa kaniyang partner na si Lee O'Brian, sinabi ng aktres na si Pokwang na nawalan siya ng kaibigan at nakaaway ang ilang kaanak. Ipinagtapat din niya na may kinalaman ang pera at may third party sa kanilang paghihiwalay, taliwas sa nauna niyang mga pahayag.

Sa “Fast Talk with Boy Abunda” nitong Biyernes, inamin ni Pokwang na nagkaroon sila ni Lee ng problema tungkol sa pagpapatakbo ng huli sa kanilang negosyo, na siya ang naglagay ng puhunan.

“Dumating ‘yung panahon na may questions ako, I’m not saying hindi siya mapagkakatiwalaan. Karapatan ko kasi bilang partner mo sa negosyo, malaman, ano na po tayo, nasaan na po tayo, ano na ang nangyari? Nagpapa-update lang naman ako sa kaniya which is feeling ko, karapatan ko ‘yon,” paliwanag ni Pokwang.

“Ang dating sa kaniya agad, hindi niya nagustuhan. Halos one year na akong walang naririnig na ‘Ito na tayo,’ ‘Last month ito ang gastos natin.’ ‘Yun lang naman ang hinihingi ko, hindi niya nagustuhan,” patuloy niya.

Dito, naging emosyonal na si Pokwang.

“Parang ang dating sa kaniya, hinuhusgahan ko na siya agad. Tinanggalan niya ako ng karapatan malaman.”

Giit ni Pokwang, nagnenegosyo sila para sa kanilang anak, at hind sa lahat ng pagkakataon ay mayroon siyang mga proyekto bilang artista.

“Hindi niya talaga siguro nagustuhan ‘yung nagtanong ako. Yun ang naging cause talaga. That time umaasa na maaayos pa sana,” sabi ni Pokwang.

Naghiwalay sina Pokwang at Lee noong Disyembre 2021.

Ipinagtapat ni Pokwang na kabaligtaran ang mga sinabi niya sa isang panayam noon na mabuting ama si Lee, walang sangkot na third party at walang nasangkot na pera.

“Umaasa ako bilang isang ina, umaasa ako maaayos pa kami, kahit ang sakit-sakit na sa akin. Kailangan kong magsinungaling kasi umaasa ko aayusin pa niya, magkakaayos pa kami.”

“Oo, naghiwalay kami pero marami akong binigay na chance, marami akong binigay na signals sa kaniya na please, ayusin mo naman ito para kay Malia.”

“Sa totoo lang mahal ko siya, kaya ko nga nagawang magsinungaling eh, pagtakpan ko siya, dahil umaasa akong magkakabalikan pa kami. Maaayos pa ito,” dagdag ni Pokwang.

Nagtatanong din daw ang anak nilang si Malia tungkol sa estado nila ni Lee.

“The more na nagtanong sa akin ang bata the more na nagbibigay ako sa kaniya ng sign. Ito kami ng anak mo, handa akong magsinungaling, handa akong lunukin lahat, buuin mo lang kami. Mabuo lang tayo ulit.”

Nakaramdam din si Pokwang na nawala na ang respeto sa kanilang relasyon.

“Bago pa mangyari ang confrontation sa negosyo hindi na kami nag-uusap, we don’t exist to each other. Nagsasalubong kami sa hagdan tapos parang nabalewala lahat ng sacrifice ko, ‘yung pagtatanggol sa kaniya sa pamilya ko,” sabi niya.

Marami ring kaibigan at supporters na tumutol sa pakikipagrelasyon niya kay Lee, ngunit ipinaglaban pa rin ito ni Pokwang.

“Kaya ako nasasaktan kasi sayang lahat ‘yung mga pagtatakip ko, sayang lahat para sa ‘yo. Nawala ang mga kaibigan ko, nag-aaway kami ng mga kamag-anak ko mula sa pagtatanggol sa kaniya. Ang hinihingi ko lang mabuo tayo ulit para sa bata.”

Pakiusap ni Pokwang kay Lee, ‘Lunukin mo naman ang pride mo.”

Kamakailan lang, sinabi ni Pokwang na hindi siya ang iniwan kung hindi pinaalis niya sa kanilang bahay si Lee.

“Totoo, ako ang nagpaalis sa kaniya kasi sa tingin ko ‘yun ang maganda para sa aming dalawa sobrang taas ng pride niya talaga. Ayokong makita ng bata na nagsisinghalan kami araw-araw. Mas mabuti muna ‘yung  maglayo muna kami,” pag-amin niya.

“Still, as a mom, wala pong nanay na mangangarap na tuluyang mawasak ang pamilya,” sabi ni Pokwang, na gabi-gabing ipinagdarasal na bumalik si Lee at ayusin ang kanilang gusot.

Inilahad ni Tito Boy na bukas ang “Fast Talk with Boy Abunda” para sa panig ni Lee O’Brian.-- FRJ, GMA Integrated News