Sa “Fast Talk with Boy Abunda” nitong Biyernes, inihayag ni Pokwang na hindi boto ang kaniyang ina sa pakikipagrelasyon niya kay Lee O'Brian.

“Naging matigas ang ulo ko. Ayaw ng nanay ko sa kaniya,” anang Kapuso comedienne na humingi ng tawad sa kaniyang ina na namayapa na matapos na mauwi sa masaklap na hiwalayan ang relasyon nila ni Lee.

“Ma sorry. Sorry Ma hindi ako nakinig sa ‘yo. Sorry po. Kailangan ko po ng yakap niyo Ma. Nami-miss ko na si Mama, pero ‘di ba ayokong sumama,” sabi ni Pokwang.

Unti-unting nanghina ang ina ni Pokwang dahil sa dementia, hanggang sa pumanaw ito noong 2020 sa kasagsagan ng pandemya.

Ipinaabot din ni Pokwang sa mga anak ang aral na kaniyang natutunan matapos ang hiwalayan nila ni Lee.

“Magtira kayo para sa sarili niyo mga anak. Kasi ‘yun ang hindi ko ginawa. Magtira kayo para sa sarili niyo para kapag dumating ang tamang tao meron pa kayong ishe-share na pagmamahal para sa tamang tao sa buhay niyo,” pahayag niya.

Sa parehong panayam, nagtapat si Pokwang na may kinalaman sa pera at third party ang naging paghihiwalay nila ni Lee O'Brian, na taliwas sa mga una niyang pahayag.

Inilahad ni Tito Boy na bukas ang “Fast Talk with Boy Abunda” para sa panig ni Lee O’Brian.-- FRJ, GMA Integrated News