Inamin ni Faith Da Silva na nagkagusto siya kay Albert Martinez kahit malayo ang agwat ng kanilang edad. Pero nilinaw ng aktres na hindi sila nagkaroon relasyon ng beteranong aktor dahil batid niya na mahal na mahal nito ang namayapang asawa na si Liezl Martinez.

“Nagkaroon ka ba ng relasyon kay Albert Martinez, oo o hindi?” diretsahang tanong kay Faith ni Tito Boy sa “Fast Talk with Boy Abunda.”

“Hindi,” madiing sagot naman ng aktres. “Pero masasabi ko na nagustuhan ko siya.”

“Kasi nakita ko kung paano niya ako inalagaan and kung paano niya ako ginuide bilang bagong artista. First show ko ‘yon at siya, veteran na siya bilang artista pero hindi niya pinaramdam sa akin na ang level niya malayo sa akin,” paliwanag ni Faith.

Matatandaang mainit na pinag-usapan sina Albert at Faith nang makita ang aktor sa background habang nagti-Tiktok ang aktres.

Magkatrabaho ang dalawa sa GMA Afternoon Prime series na “Las Hermanas” noong 2021.

Inihayag ni Faith na napansin niya na mahal na mahal ni Albert ang yumao nitong asawa na si Liezl.

"Mabait siya. He’s sweet. Kaya lang nga, alam ko na super love niya ang late wife niya,” sabi ni Faith.

Tanong ni Tito Boy kay Faith, hanggang saan dumating ang pagkagusto niya kay Albert.

“Wala naman masyado kasi nga, mahirap ang sitwasyon eh. First time ko lang ‘yun na-experience na ‘yung age gap namin medyo malayo talaga. I could see and I could feel kung gaano niya kamahal ang wife niya, kasi ‘yun ang palagi niyang kinukuwento,” sagot ni Faith.

Natanong si Faith kung single siya ngayon.

“I am single, very much so,” tugon ng Unica Hija star. -- FRJ, GMA Integrated News