Inamin ni Aljur Abrenica na nagtaksil siya kay Kylie Padilla kaya nasira ang kanilang relasyon bilang mag-asawa. Inilahad din ng aktor ang lagay ng puso niya ngayon.

Ginawa ni Aljur ang pag-amin sa vlog ni Toni Gonzaga.

"Yeah, totoo naman, totoo naman 'yon. On my part, oo. Ina-admit ko 'yon, may pagkakamali ako," anang aktor.

Pero ginawa raw niya ang lahat para maisalba ang kanilang relasyon.

"Mare-realize mo na I have to accept kasi hindi na talaga. Kasi ginawa ko na lahat. At siya rin, ginawa niya rin lahat in fairness," dagdag ni Aljur.

Sinabi rin ni Aljur na dalawa sila ni Kylie na nagdesisyon na maghiwalay na lang.

Bagaman mahal pa rin daw niya si Kylie, mas makabubuti raw na itaguyod na lang nila bilang co-parents ang kanilang mga anak, na sang-ayon din naman umano ang aktres.

Inamin din ni Aljur na inakala niya noon na handa na siya sa buhay may-asawa nang pakasalan si Kylie. Pero napagtanto niya na hindi pa pala.

"Everything that I, you do is may kapalit," sabi ni Aljur tungkol sa pagtataksil sa kabiyak. "Walang kang takas dun. Wala kang takas."

Inilahad din ni Aljur ang naramdaman niya noon nang maging heartbroken at mapagtaksilan.

"Ang sakit, it's so painful, sobrang painful. It breaks you. Naalala ko na parang there's no life, wala ka ng buhay, hindi ka na magising nang maaga. A part of you dies e, 'yung worth mo, mawawala. It's just the worst talaga," paliwanag niya.

Itinuturing din ni Aljur na malaking pagkakamali ang hindi niya paglalaan ng mas maraming oras sa anak nila ni Kylie na sina Alas Joaquin at Axl Romeo.

"I'm lucky enough to, privileged enough to have kids," saad niya. "Kasi mga bata, it teaches you to be a better man."

Nais daw niyang malaman ng kaniyang mga anak na hindi siya perpekto pero, "Kahit mali 'yung mga naging desisyon ko, I did my best."

Nang tanungin ang kalagayan ng kaniyang puso ngayon, ayon kay Aljur, "Sapat lang. Sapat sa pagmamahal sa sarili ko, sapat sa pagmamahal ko sa Panginoon, sa mga anak ko, sa lahat ng mga importanteng tao sa buhay ko, sapat. Hindi labis, hindi kulang."

Ikinasal sila Aljur at Kylie noong 2018, at naghiwalay noong 2021.

Nauugnay ngayon ang aktor kay AJ Raval.  —FRJ, GMA Integrated News