Nasawi ang isang ina at kaniyang tatlong-taong-gulang na anak matapos silang barilin sa loob ng kanilang bahay sa Sipalay, Negros Occidental. Tatlong miyembro pa ng pamilya ang sugatan.

Sa ulat ni Aileen Pedreso sa GMA Regional TV One Western Visayas, sinabing nangyari ang krimen nitong Huwebes, April 22, 2026 sa Barangay Nabula.

Sa imbestigasyon ng pulisya, pumasok ang salarin sa bahay ng mga biktima at pinagbabaril sa ibat ibang bahagi ng katawan ang 27-anyos na ginang. Sa dibdib naman ang tama ng 3-anyos niyang anak.

Sugatan din sa pamamaril ang isang babaeng 62-anyos, isang 46-anyos na babae, at isang batang babae na edad siyam.

Sa nasabi ring araw, isang insidente rin ng pamamaril sa loob ng bahay ang nangyari sa Barangay Manlucahoc, na ikinasawi ng isang 53-anyos na lalaki.

Patuloy pa ang imbestigasyon ng pulisya para alamin ang pagkakakilanlan ng mga salarin sa magkahiwalay na insidente, at kung ano ang motibo sa krimen. – FRJ GMA News