Nahuli-cam ang komprontasyon sa kalsada na pilit na hinaharang ng isang motorcycle rider ang isang multipurpose vehicle na nakabangga umano sa kaniya sa Cainta, Rizal.

Sa ulat ng GTV News Balitanghali nitong Huwebes, sinabing nangyari ang insidente sa junction ng Cainta nitong Miyerkoles.

Makikitang kinukuhanan pa ng motorcycle rider ng video sa kaniyang cellphone ang driver, hanggang sa makapuslit ang MPV papunta sa Pasig.

Lumabas sa imbestigasyon ng pulisya na nakahinto ang motorsiklo nang salpukin ng MPV ang likurang bahagi nito.

Bumagsak ang rider at humantong sa pagtatalo ang pag-uusap ng dalawa.

Hanggang sa nagtangkang tumakas ang MPV na bahagya pang nasagi ang motor at ang biktima.

Hindi na nakunan sa video ang mga sumunod na insidente pero hinabol umano ng rider ang driver, hanggang makita sila ng isang enforcer.

Nagkasundo kalaunan ang dalawang panig na sasagutin ng driver ng MPV ang pagpapaayos sa motorsiklo.

Ligtas naman ang kondisyon ng rider, at hindi na sila magsasampa ng reklamo laban sa isa’t isa. – Jamil Santos/FRJ GMA News