Inilahad ni Miguel Tanfelix na “very stable” ngayon ang relasyon nila ng kasintahang si Ysabel Ortega. Napag-uusapan na rin kaya nila ang kasal? Alamin.
“You've been together for three years. Nasaan ngayon ang inyong relasyon?” tanong ni Tito Boy kay Miguel sa nakaraang episode ng “Fast Talk with Boy Abunda.”
“Very stable kami ngayon, Tito Boy. We are very happy. Ako, sobrang love ko si Ysabel,” tugon ng aktor.
Dugtong na tanong si Tito Boy, hindi kaya nakararamdam ng “takot” si Miguel ngayong stable sila ni Ysabel.
“Mas pipiliin ko na 'yun [stable] kaysa sa unstable,” sabi naman ni Miguel.
“Pero para sa amin, kasi mas pinapayaman pa muna namin 'yung sarili naming karanasan, siguro mas pinapatalino, pinapa-mature pa namin 'yung isa't isa, bago kami mag-step forward. Kasi naniniwala kami na kailangan buo kaming dalawa bago pumasok,” paliwanag niya.
“Napapag-usapan na ang future?” muling tanong ng King of Talk.
“Yes, Tito Boy,” tugon ni Miguel, na sinabing napag-uusapan nila ng aktres kung anong edad sila magpapakasal.
“Ang sinasagot ko, mga early to mid-30s. Matagal-tagal pa, Tito Boy. Matagal pa. Marami pa kaming kailangan gawin,” ani Miguel.
Magiging host si Miguel sa unang pagkakataon sa upcoming travel infotainment program na “Planet XP.” – FRJ GMA News
