Kakaiba at masarap ang pulutan na alok ng isang tindero na bukod sa siomai, isaw at crispy pata, nagluluto rin siya ng chicharon na gawa sa kuko ng manok. Ligtas naman kaya itong kainin?
Sa nakaraang episode ng “I Juander,” itinampok si Rodrigo Naluis Jr. o JR, na nagluluto ng chicharong kuko ng manok.
“Nanay ko [mahilig] sa mga lugaw. Tinitilad niya 'yung mismong kuko. Naisip ko, itatapon niya nga, sabi ko, ‘Teka lang ‘Nay. Teka, sayang e.’ Ang ginawa ko, tinimplahan ko. Nilinis ko muna. Nilinis ko at pinirito ko. Umokay. Naging chicharon,” kuwento ni RJ.
Ayon kay RJ, metikuloso ang pag-chicharon ng kuko. Kailangang siguraduhing nahugasan nang mabuti ang paa, saka aalisan ng balat at tatagain ang kuko.
Sa pag-chicharon ng kuko ng manok, mano-manong inaalis ang nakataklob na balat sa kuko ng manok. Tiyaking nahiwalay ito dahil mananatiling makunat ang kuko.
Kapag nabalatan na, saka ito lalamasin nang maigi sa asin at suka para maalis ang lansa at lumabas ang mas natural na lasa ng manok.
Para makasigurado, hugasan ito sa ikalawang pagkakataon at salain.
Taliwas sa ordinaryong chicharon na inilulubog sa mantika, sikretong recipe ng chicharong kuko ang paggisa at pag-alaga sa halo para maging golden brown.
Kapag manikit-nikit na ang kuko ng manok sa kawali, maaari na itong hanguin.
Para mas lumutong ang chicharong kuko, muli itong isasalang sa mantika hanggang sa pumutok-putok na.
Ligtas naman kaya itong kainin?
“Maaaring nating sabihin na safe 'yung kuko ng manok, kung halimbawa alam natin na malinis talaga 'yung preparasyon at pagluluto. At importante din na maingat tayo sa pagkain kasi puwede siyang maging source ng physical hazard kung halimbawa natinik ka ng kuko ng manok,” sabi ni Judith Mababa, food safety compliance officer. – FRJ GMA News
