Kahit nakipag-areglo na, naglabas pa rin ng Show Cause Order ang Land Transportation Office (LTO) laban sa driver ng multipurpose vehicle na nahuli-cam sa viral video na hinaharang ng motorcycle rider na kaniya umanong nabangga at tinangkang takbuhan sa Cainta, Rizal.
Sa inilabas ng pahayag ng LTO nitong Huwebes, sinabing nagpakita umano ng mapanganib na pagmamaneho sa insidente ang nasabing driver ng MPV, batay sa kumalat na video sa social media.
Lumitaw umano sa imbestigasyon, na muntik nang masagasaan ng driver ang isang motorista nang biglang lumiko ang MPV.
“Dahil dito, hinihingian sila ng paliwanag kung bakit hindi sila dapat managot sa paratang na reckless driving at paglabag sa iba pang batas trapiko,” ayon sa pahayag.
Inaatasan ang driver at nakarehistrong may-ari ng sasakyan na humarap sa LTO Intelligence and Investigation Division upang magsumite ng kanilang sagot at ebidensya.
Pansamantalang sinuspinde ng 90 araw ang lisensiya ng driver, at inilalagay sa alarm status ang nasabing sasakyan habang isinasagawa ang imbestigasyon.
Nauna nang iniulat na hinabol ng rider ang MPV nang masagi siya nito at tinangkang takbuhan.
Hindi na nakunan sa video ang mga sumunod na insidente pero hinabol umano ng rider ang driver, hanggang makita sila ng isang enforcer.
Nagkasundo kalaunan ang dalawang panig na sasagutin ng driver ng MPV ang pagpapaayos sa motorsiklo, at hindi na sila magsasampa ng reklamo sa isa’t isa.
Pero sabi ni LTO chief, Asec. Markus Lacanilao, “Kahit magka-areglo sila pareho pero actual na ginawa nila, gumamit ng sasakyan halos mapatay, mabangga niya iyong tao, hindi siya mapigilan, doon palang may ground na wala siyang karapatang magmaneho.” – FRJ GMA News