Makaaasa ang mga motorista ng muling pagbawas sa presyo ng diesel sa darating na linggo.

Ito ang ikatlong sunod na linggo ng pagbaba matapos yanigin ang lokal na merkado ng mga serye ng pandaigdigang pag-angat sa presyo ng langis dulot ng sigalot sa Gitnang Silangan.

Binanggit ng isang oil industry source ang mga pagtatantiya batay sa Mean of Platts Singapore (MOPS) trading at foreign exchange averages sa nakalipas na apat na araw, at sinabing maaaring mabawasan ng P8.00 hanggang P10.00 ang presyo ng diesel kada litro.

Gayunpaman, nakikitang walang galaw sa presyo ng gasolina, o posibleng tumaas ito ng P1.00 kada litro.

Ginagamit ng lokal na industriya ng langis ang MOPS bilang batayan para sa mga presyo ng gasolina sa bansa. Ito ang average ng daily price assessments para sa refined na produktong petrolyo (tulad ng gasolina at diesel) na ipinagbibili sa Singapore, na nagsisilbing regional hub para sa kalakalan ng langis sa Asya.

Inaanunsyo ng mga kompanya ng langis ang pagtaas o pagbaba ng presyo ng mga produkto tuwing Lunes, na ipatutupad sa susunod na araw.

Epektibo nitong Martes, Abril 21, 2026, ibinaba ng mga kompanya ng langis ang presyo ng diesel ng P24.00 hanggang P24.95 kada litro, gasolina ng P3.41 hanggang P4.00 kada litro, at kerosene ng P2.00 kada litro. —Jamil Santos/AOL GMA News