Binalikan ni Susan Enriquez nang imbitahan siya ni Robin Padilla na mag-guest sa pelikula nitong “Hari ng Selda: Anak ni Baby Ama 2.” Ang senador, humanga sa Kapuso journalist dahil game na umakting wala silang script.

Sa nakaraang episode ng “Kay Susan Tayo! Vlogs,” ikinuwento ni Padilla na si Susan agad ang pumasok sa isip niya nang kailanganin na may journalist na kasama sa pelikula na ipinalabas noong 2002.

“Kailangan ko ng isang journalist, ng newscaster na credible, na alam na boses ng masa.
‘Ay, walang iba kundi si Susan! Wala nang iba. Yun ang kunin natin,’” mungkahi ni Padilla sa mga bumubuo ng pelikula.

Gayunman, tumanggi ang producer dahil kailangan pang ipagpaalam si Susan para payagang makasama sa pelikula.

“Eh, 'yung unang sinabi, hindi ka puwede?,” saad ni Robin kay Susan. “‘Yun ang sinabi. Sabi ko, ‘Wow, pakiusapan niyo. Sabihin niyo, ‘Si Robin ‘to, 'yung kasama niya sa Mindanao. Kaming dalawa. Ngayon ako maniningil,’” biro ng aktor patungkol nang panahon na mabihag sila ng Abu Sayyaf Group sa Basilan noong taong 2000.

Pinayagan naman si Susan, at pagkarating niya sa shooting, nagtanong ang Kapuso journalis kung mayroon siyang mga linya o sasabihin sa eksena.

“Naalala ko 'yung sinu-shooting natin. ‘Ano bang gagawin ko rito? Wala ba tayong script?’” pag-alala ni Padilla na sinabi sa kaniya ni Susan.

“Sabi ko, ‘Ito 'yung eksena.’ Wala tayong script talaga. Kinuwento ko lang sa iyo 'yung eksena. Ikaw na ang gumawa ng sasabihin mo,” dagdag ng actor-turned-politician.

Si Susan naman, naalalang riot noon ang eksena at kailangan niyang kapanayamin ang namamahala sa Bilibid.

Humanga si Padilla na si Susan na ang gumawa ng sarili niyang linya at hindi na kailangan pa ng take 2.

“Tanda ko sabi niya, ‘Okay pala ‘to kasi tipid sa tape. Kasi walang take 2,” anang Kapuso journalist.

“Sabi ko, ‘Perfect!’” ani Padilla.

Matatandaang nagpunta si Padilla sa Basilan para makipagnegosasyon sa Abu Sayyaf Group (ASG), kung saan isa si Susan sa mga nag-cover. Humantong ito sa pagkaka-hostage sa kanila ng mga bandido.

Natipuhan at gusto pa raw pakasalan si Susan noon ng isa sa mga miyembro ng ASG. Sa huli, pinakawalan din ang dalawa.

Hindi malilimutan ni Susan ang ginawang pag-alalay at pagprotekta sa kaniya ni Robin habang bihag sila ng ASG. – FRJ GMA News