Nagulat ang bantay ng isang snack bar sa Alaska, USA nang pumasok ang isang moose sa loob ng kanilang sinehan.

Sa video ng GMA News Feed, sinabing nangyari ang kakatwang insidente noong nakaraang linggo kung saan nag-takeout pa ang hayop.

Sa surveillance video sa loob ng sinehan, makikita ang babaeng bantay sa snack bar ng sinehan habang may kausap sa telepono.

Hindi niya kaagad napansin ang malumanay na pagdating ng kaniyang kakaibang bisita na pumuwesto sa kaniyang harapan na parang bibili ng makakain.

Nang makita na ng babae ang moose, wala na siyang nagawa kung hindi ang kunan ito ng video ang panoorin ang gagawin.

Isang lalagyan na nasa lamera na may lamang popcorn ang nakita ng hayop at kaniya itong nilantakan.

Hinalukay din umano ng moose ang basurahan sa loob ng sinehan.

Kinalaunan, payapa rin namang lumabas ang moose na may bitbit na pagkain sa bibig.

Ayon sa isang wildlife biologist, hindi naman kasama sa natural diet ng mga moose ang mga kinakain ng tao.

Mga halaman at sanga raw ang madalas na kainin ng mga moose. --FRJ, GMA Integrated News