Hindi maiwasan na maging usap-usapan sa kanilang lugar sa Sogod, Southern Leyte ang isang batang babae na dalawang-taong-gulang dahil sa kaniyang hitsura na tisay na mukhang anak ng dayuhan gayung parehong Pinoy na Pinoy ang kaniyang ama't ina. Tunay nga kaya siyang anak ng kaniyang mga magulang, o may paliwanag ang mga eksperto sa kaniyang hitsura?

Sa nakaraang episode ng “Kapuso Mo, Jessica Soho,” makikita ang pagkakaiba ni Baby Audrey sa mga kalaro sa isang liblib na barangay na Pancho Villa. Bilog na bilog ang kaniyang mga mata, matangos ang kaniyang ilong at malaporselana at maputi ang kaniyang balat.

Ngunit kapag nagsalita ang bata, isa siyang proud Bisaya.

Kaya nagtataka ang mga residente sa barangay kung bakit tila may hitsura siyang foreigner bagama’t parehong Pinoy ang kaniyang mga magulang na sina Alona at Rolando Magreloj.

Sanggol pa lamang si Audrey, napansin daw nina Alona at Rolando na tila malayo ang hitsura ng kanilang nag-iisang anak.

“Hindi po namin kamukha ‘yung bata. Mukha po siyang half-American. ‘Yung ilong po mas matangos sa amin. ‘Yung kutis niya po maputi, kapag naaarawan po namumula. Pabago-bago ‘yung kulay ng buhok niya depende sa panahon. Minsan ash gray, minsan brown,” sabi ni Alona.

Kaya kalaunan, naging usap-usapan ng mga "marites" ang kanilang pamilya.

“Sabi nila ‘Oy para ka namang Amerikana, ‘Day.’ ‘Isoli mo ‘yan,’ ‘Yun ang sabi nila,” ayon kay Alona tungkol sa mga komentong natanggap ni Baby Audrey sa kanilang mga kapitbahay.

“‘Yaya kayo nito? O ‘Anak niyo ba talaga ‘yan?’” kuwento naman ni Rolando na narinig nila mula sa ibang tao.

Inakala noong una nina Alona at Rolando na anak-araw si Baby Audrey o may albinism. Gayunman, hindi sensitibo ang kaniyang balat at maayos din ang kaniyang paningin kahit masinagan ng araw.

Si Rolando, hindi na rin naiwasan noong una na magduda kung anak niya si Audrey.

“Hindi ako makapaniwala na sobrang ganda ng bata, na may anak akong ganito. May mga panahong gusto kong tanungin ang asawa ko, ‘Anak ko nga ba talaga ito?!’” sabi ni Rolando.

Ngunit inilahad ni Alona na sigurado siyang si Rolando ang tatay ni Audrey, dahil tapat ito sa anim na taon na nilang pagiging magkarelasyon.

“Wala naman akong nakita o napansin na may foreigner na pumupunta sa kanila,” ayon kay Rolando.

May naisip na paliwanag sina Alona at Rolando kung bakit kakaiba ang hitsura ni Baby Audrey.

“Noong umpisa ng pagbubuntis ko, nanonood ako ng foreigners. Sa isip ko, sana ganito kaganda o kagwapo anak ko, na mukhang foreigner,” kuwento ni Alona.

Bukod dito, madalas din silang makakita ng isang uri ng ibon na Alimokon.

“Hihimas-himasin namin ang balahibo kaya parang nagmana ang buhok din,” ayon naman kay Rolando.

Pero ayon sa pediatrician na si Dr. Rochelyn Pagpagitan-Orais, na sumuri kay Baby Audrey, walang siyentipikong basehan ang panonood ni Alona ng mga foreigner sa kaniyang paglilihi.

Ipinaliwanag din ni Shenna Kate Torres, M. SC., LPT, Instructor sa UP Diliman Institute of Biology, na maaaring multiple genes ang dahilan kung bakit iba ang hitsura ni Baby Audrey sa kaniyang mga magulang.

“Ang katangiang pisikal ng tao ay mas madali nating maiintindihan tulad sa konsepto ng Mendelian type of inheritance. Kung makikita natin sa Punnett square, hindi po necessarily na ang isang katangian ng magulang ay maging kapareho ng kaniyang anak dahil ‘yon sa iba’t ibang kombinasyon ng ating genes,” ayon kay Torres.

“Ito po ay maaaring kinalabasan ng multiple genes or interaction ng maraming genes sa katawan, isang polygenetic trait,” dagdag ni Torres.

--FRJ, GMA Integrated News