Ipinakita ng isang netizen ang iba’t ibang level o antas ng baha na kaniyang sinusuong sa tuwing bumabagyo para lamang makabili ng pagkain sa kanilang lugar sa Calumpit, Bulacan.

Sa ulat ni Mark Salazar sa Unang Balita nitong Miyerkoles, mapapanood ang video ng paglusong ni Rhenz Rafael Galang sa malalim na baha sa kanilang lugar sa Barangay Sapang Bayan, Calumpit, Bulacan.

Sa isa pang video, ipinakita naman ni Galang ang iba’t ibang antas ng baha habang lumulusong, mula Level 1 na hanggang tuhod, Level 2 at 3 na hanggang baywang, Level 4 na hanggang leeg, at Level 5 na halos lampas tao na.

Sinuong ni Galang ang baha para lamang makabili ng pagkain, at nakatawa pa rin sa kabila ng banta sa kaniyang kalusugan.

Nagmistulang swimming pool at wala ring natirang tuyo sa bahay nina Galang, ngunit masaya pa rin ang mga kasama niya sa bahay.

Sa isa namang video, may dalawang lalaki sa Calumpit, Bulacan pa rin ang nangisda sa gitna ng baha at sama ng panahon.

Ngunit ayon kay Senator Loren Legarda, may hangganan ang “Filipino resiliency” na dapat palitan ng pag-aksiyon.

“May hangganan din naman ang resilience. Kailangan talaga ipatupad natin ang batas,” sabi ni Senator Legarda sa 35th National Disaster Resilience Month.

“I would like to see a time when there is no time for resilience because we did it right at the first time,” dagdag pa niya.

Sinabi naman ng Office of Civil Defense at National Disaster Risk Reduction and Management Council na kulang pa ang pagpapatupad sa mga risk reduction at disaster management laws dahil hindi ito madali.

“Kailangang pagbutihin pa namin ‘yung koordinasyon. Hindi naman ito kaya ng isang ahensiya lang,” sabi ni Office of Civil Defense Administrator Undersecretary Ariel Nepomuceno.

Inilahad naman ni Dr. Emma Porio, professor emeritus, project leader at principal investigator ng Coastal Cities at Risk in the Philippines, na ang tunay na kahulugan ng resiliency ay ang kakayanan ng komunidad na matuto sa leksiyon ng sakuna para maiwasan itong maulit pa.

“Resilience is everyday action prepared. It’s the ability to absorb the shock, to resist the effects of the shock and to transform our ways of doing things that we can proactively respond better,” sabi ni Dr. Porio.

Idinagdag pa ni Porio na kung tunay ngang resilient ang mga Pinoy, wala na dapat sa action plan at budget ang evacuation centers at food packs.

“I feel that we have focused on really evacuating, but I think we have to build the capacities of everyone. I think resilience is everyday action,” dagdag ni Porio.

“‘Yan ang ideal situation. Lahat ‘yan ay pipilitin nating mangyari na halos automatic na sa tao ‘yung pagtugon, alam na nila ‘yung gagawin kapag merong banta ng kalamidad,” sabi ni Nepomuceno. —Jamil Santos/KG, GMA Integrated News