Ipinagdiwang ng Kapuso star na si Alden Richards nitong nakaraang January 2 ang kaniyang ika-32 taong kaarawan. Iniisip na kaya niya ngayon na mag-settle down?

Sa panayam sa kaniya ni Toni Gonzaga sa vlog na "Toni Talks," inihayag ni Alden nakararamdam pa rin siya ng insecurities gaya sa aspeto ng love life. Pero sa ngayon, hindi pa rin daw siya handang lumagay sa tahimik at bumuo ng sariling pamilya.

Aminado ang Asia's Multimedia Star, na noong una ay napapaisip siya kung kailangan na niyang mag-asawa dahil sa kaniyang edad.

"Pumasok na '31 na ako wala pa akong asawa.' Very Filipino way of 'Ilang taon ka na nga? Dapat mag-asawa ka na.' 'Yan 'yung ipinagsasantabi ko all the time, na noong naabutan na ako, 'Baka nga medyo nahuhuli na ako, baka masyado na akong nagpo-focus...,'" ani Alden.

Kaya tinanong na ni Toni si Alden kung handa na siyang mag-settle down ngayon.

"No I'm not," tugon ng binata. "When you say settle down, parang ang gaan na word eh, 'Settle down.' But ano 'yung kaakibat ng settling down?"

Sinundan ni Toni ang naturang tanong ni Alden na may kaakibat na "big responsibility" ang pag-aasawa.

Umayon dito ang aktor sinabing ang magiging pamilya na ang dapat maging prayoridad kapag lumagay sa tahimik.

Pero sa ngayon, sinabi ni Alden na may mga prayoridad pa siya na kailangang tutukan kaya ng binuo niyang Myriad Corporation.

"So right now, my company just started September of 2022, and I'm very much excited with the people who are very much interested to partner with us. Na sayang naman," aniya.

Mas pipiliin ni Alden na tapusin muna ang kaniyang nasimulan.

"Goal-oriented, we know our priorities so hindi tayo kukuha ng isang bagay na hindi natin tatapusin," sabi ni Alden tungkol sa kaniyang Zodiac sign na Capricorn na katulad ni Toni.

READ: Alden Richards, 'pagod' na sa intrigang pinagdududahan ang kaniyang gender identity

Sa naturang panayam din, inihayag ni Alden na masaya siya ngayon sa kung anong mayroon siya bagaman hindi niya prayoridad ang love life.

"I'm happy, perfectly happy with what I have, what I'm able to do at the moment, I seize every opportunity, sayang eh, there's time for that (love life)," ani Alden.

Ayon sa binata, madaling husgahan at paghinalaan ang seksuwalidad ng aktor kapag walang love life.

Samantala, bukod sa showbiz at negosyo, tinutukan din ni Alden ang kaniyang scholarship foundation para matulungan ang mga nais makatapos ng pag-aaral. --FRJ, GMA Integrated News