Matagumpay na nakapag-ipon ng P42,300 ang isang lalaki matapos siyang kumasa sa 1-Year 50-Peso Ipon Challenge sa Cavite City.

Sa video ni Nazareno Semper, na iniulat din sa Balitanghali nitong Biyernes, mapapanood na binibilang niya ang kaniyang naipon mula sa kaniyang alkansiya.

Nag-umpisa siyang mag-ipon noong Enero 1, 2023, at binuksan ito noong Disyembre 24.

Ini-advance na lang ni Semper ang kaniyang hulog para sa mga petsang Disyembre 25 hanggang 31.

Bukod sa P50, may mga naihulog din siyang P500 at P1,000 mula sa kaniyang sobrang bonus at incentives.

Ayon kay Semper, ipambibili niya ng motorsiklo ang kaniyang naipon at palitan na ang kasalukuyan niyang ginagamit na may kalumaan na.

Pinost ni Semper ang video upang magsilbing inspirasyon sa iba.

May 1.7 milyong views na at mahigit P60,000 likes sa TikTok ang video ni Semper. — Jamil Santos/VBL, GMA Integrated News