Dahil sa ganda at talino, hindi nakapagtataka na may naghikayat noon sa GMA Integrated News reporter na si Mariz Umali na sumali sa isang beauty pageant. Pero bakit nga ba hindi niya sinubukan?

“Noong college po ako, may nag-invite po sa aking sumali sa Binibining Pilipinas. Pero parang hindi po talaga para sa akin ‘yun. Unang una, hindi ko nga kayang magsuot ng two-piece eh,” natatawang sabi ni Mariz sa panayam sa kanila ng asawang si Raffy Tima sa “Fast Talk with Boy Abunda.”

“So noong panahon po na ‘yon, I was encouraged by my colleagues. Noong time po kasi na ‘yon, nag-number one ako na counselor sa University Student Council,” paglalahad pa niya.

Sinabi rin ni Mariz na tatakbo na sana siyang vice chairman ng kanilang student council nang mag-back out ang kanilang chairman, kaya siya na ang hinikayat na mag-chairwoman.

Gayunman, nang panahon na iyon ay nasa isip na ni Mariz na kaagad magtrabaho sa GMA.

ADVERTISEMENT

“Pero talaga nu’ng time po na ‘yun, inisip ko na lang ‘yung mga colleagues ko na ini-encourage ako. Pero talagang my mind was already for reporting. Noong time po na ‘yun kasi, pa-graduate na po ako. If I won du’n sa chairmanship na ‘yun, mag-stay pa ako for another semester,” saad niya.

“Pero nu’ng time na ‘yun, ga-graduate na ako eh. And talagang nu’ng time na ‘yun, gusto ko na maging reporter. Gusto ko na pumasok sa GMA,” sabi pa ni Mariz.

Si Raffy naman, binalikan ang mga panahong napili siya para mag-voiceover noon sa Kapuso youth oriented variety show na “That’s Entertainment.”

“Noong time na ‘yon kasi, college ako nu’n. Um-absent ‘yung voiceover talent ng That's Entertainment. Wala talagang makuha si Direk Perry pa na floor director,” kuwento ng GTV News "Balitanghali" anchor.

Dahil sa kaniyang karanasan sa pag-voiceover bilang estudyante, si Raffy ang itinuro ng mga kaklase.

“So medyo panic na kasi live nu’ng time na ‘yun. ‘Sino ang puwedeng mag-voice?’ Tinuro ako ng mga classmates ko kasi nagbo-voice ako sa school,” sabi niya.

Ipinasubok kay Raffy na basahin ang introduction na, “Let's welcome, Mr. German Moreno!,” na pumasa naman sa pandinig ng direktor.

“‘Puwede na ‘yan!’” pag-alala ni Raffy na komento ng direktor.

“Ang hirap basahin ng sinusulat doon sa "idiot board" pero kailangan mong i-modulate ‘yung boses mo. So yeah, ang sarap na experience,” balik-tanaw niya.

Ikinasal sina Mariz at Raffy noong Disyembre 8, 2012.

Pero bago nagka-ibigan, dalawang dekada nang magkaibigan sina Mariz at Raffy hanggang sa tila naging kupido sa kanilang dalawa ang katrabaho nila sa GMA Integrated News na si Pia Arcangel.-- FRJ, GMA Integrated News