Ikinuwento ni Ogie Alcasid na may mga pag-aalala si Regine Velasquez sa sarili tungkol sa pagkakaroon ng mga bago at magagaling na singer sa panahon ngayon. Nakakaramdam nga ba ng “banta” ang mag-asawa tungkol sa kanilang karera?

Sa “Fast Talk with Boy Abunda” nitong Biyernes, binalikan ni Tito Boy ang sinabi ni Regine sa isang panayam noon na “hindi ko na panahon,” o tapos na ang kaniyang panahon bilang isang sikat na singer.

“Always. Araw-araw namin ‘yang pinag-uusapan, at araw-araw kaming nagkakaroon ng maraming realization,” sabi ni Ogie.

“Una, minsan kasi nahuhuli ko siya na pinanonood niya ‘yung videos niya noong bata pa siya. Tapos sasabihin niya sa akin ‘Tingnan mo o, ang taas ng boses ko ‘no? Ang galing ko noon ‘no?,’" pagbahagi ni Ogie.

"Sasabihin ko, ‘Hindi, magaling ka pa rin hanggang ngayon. Iba lang ang estilo mo ngayon. Mas may puso ka nang kumanta kasi andito na ako sa buhay mo,’” pagpapatuloy ng singer-songwriter.

Gayunman, batid ng mag-asawa na marami nang bagong mga singer na may angking husay din sa music industry.

“Sasabihin namin, ‘Ang dami nang bago ‘no, ang dami nang magaling. Ang dami nang bata. Wala na siguro tayo,’” patuloy niya.

Ngunit dugtong ni Ogie, “‘Ano ka ba? Oo! Pero hindi naman wala. Andito pa rin tayo. Ang mahalaga alam natin kung saan tayo lulugar.’”

“Marami nang bagong dadating talaga. Pero ang maganda, nakukuha mo ‘yung respeto ng mga batang ‘yan,” kuwento pa ni Ogie na sinasabi niya kay Regine.

Ayon kay Ogie, masaya si Regine sa tuwing nakakasalamuha nila ang mga batang singer, at palagi ring nagge-guest sa kanilang mga show.

“She wants to be part of the lives and careers of those who are coming,” saad ni Ogie.

Sinabi ni Ogie na paraan ito ng pagbabalik ni Regine, dahil naging mabuti rin sa kaniya ang iba pang magagaling na singer noong kaniyang kapanahunan.

“Kasi naaalala niya noong nagsisimula siya, ganiyan din sina Pilita Corrales), sina Kuh (Ledesma), sina Pops (Fernandez) sa kaniya. Hindi niya nalilimutan ‘yon,” ayon kay Ogie. -- FRJ, GMA Integrated News