Dahil malinamnam, binabalik-balikan ng mga tao ang ilang lutuin sa Bulacan, Pateros at Batangas, na ang kasama pala sa mga rekado, galing sa maselang parte ng katawan ng hayop. Alamin kung ano mga putaheng ito.
Sa Bocaue, Bulacan, muling nagbukas noong nakaraang taon ang isang tindahan ng piniritong liempo na ilang taon nang sarado matapos pumanaw ang asawa ng may-ari nito.
Ngunit hindi lang ang piniritong liempo ang hinahanap ng mga mamimili kung hindi maging ang sikat nitong tindi na piniritong "sinuso ng baboy" o mammary gland.
Sa nakaraang episode ng "Kapuso Mo, Jessica Soho," ikinuwento ni Eddie Escalante, may-ari ng Aling Mameng Original Liempo, ang piniritong sinuso ng baboy ay original recipe ng kaniyang tiyuhin, at orihinal na may-ari ng tindahan na si Francisco dela Cruz.
Ayon kay Francisco, una nilang produkto noon ang piniritong liempo at karaniwang itinatapon lang noon ang sinuso ng baboy. Hanggang sa naisipan na rin nilang iluto ng sinuso ng baboy at nagustuhan naman ng mga tao.
Ngunit nang mamatay ang kaniyang asawa noong 2014, ang kanilang tindera ang kaniyang naging tagapagluto. Pero dahil hindi niya ito nakasundo, nagpasya siyang isara na tindahan.
Si Eddie naman ang naghikayat sa kaniyang tiyuhin na buksan muli ang tindahan, na kaniyang naisagawa matapos makapag-ipon ng puhunan.
Ngayon, anim hanggang 10 kilo ng sinuso ng baboy ang kanilang nailuluto kada araw. Ang bentahan nila sa piniritong sinuso ng baboy, P280 ang bawat kilo na masarap iterno sa sukang sawsawan.
Gotong Batangas
Sa San Juan, Batangas naman, dinadayo ang sabaw sa lutong goto ni Oliver Marasigan, na may iba't ibang laman na galing sa baka gaya ng taba, balat at... ari ng baka.
Dalawang dekada nang specialty ni Oliver ang kaniyang recipe ng goto, na taliwas sa goto sa Maynila na may lugaw, ang kaniyang goto, puro laman lang ng baka.
Hindi biro ang prosesong pinagdadaanan ng pagluluto ng mga sahog sa goto para tiyak na maging malambot ito at walang amoy.
Ang presyo sa kada serving ng goto, nagkakahalaga ng P168 hanggang P224 depende sa laki ng order.
Dating construction worker si Oliver na nagawang maiahon sa hirap ang pamilya dahil sa kaniyang pagtitinda ng goto na may kasamang ari ng baka.
Adobong itlogan ng itik
Sa San Pedro, Pateros naman, hinahanap-hanap ng mga suki ni Pacita Joseph ang patok na putahe sa kaniyang kainan na adobong itlogan, na ang sangkap--matres ng itik at ilog na nasa loob nito.
Taliwas sa akala ng iba, ang itlog na iniluluto ni Pacita ay hindi pa lumalabas mula sa loob ng matres ng itik.
Sadyang mga itik na "buntis" o may itlog sa tiyan ang binibili ni Pacita para iluto at gawing Adobong Itlogan.
Ang naturang putahe rin ang nagpalakas sa kaniyang tindahan kaya nagawa ni Pacita na makapagpundar.
Ang presyo sa bawat serving ng adobong itlogan, P90 lang.
Pero paalala ng isang nutritionist, mataas sa kolesterol ang mga lamang-loob ng hayop kaya dapat hinay-hinay lang sa pagkain.
Panoorin ang video ng KMJS upang alamin kung papaano inihahanda at iniluluto ang kakaibang mga pagkain.-- FRJ, GMA Integrated News
