Isang lalaki na hinahabol ng mga awtoridad ang nagtago sa bakuran ng isang bahay sa Davao City. Ang hindi alam ng lalaki na isa umanong kawatan, may mga aso sa bahay.
Sa "For You Page" ng GMA Public Affairs, ipinalabas ang video na kuha ni Andy Calizo III, na makikita ang isang lalaki na may bag sa likod na napapalibutan ng mga aso habang paupo na naglalakad pero ubod nang ingat sa kaniyang paggalaw.
Tila "near yet so far" para sa lalaki ang pinto ng gate sa bakuran na kaniyang pinasok dahil kahit malapit na siya, hindi naman niya magawang kumaripas nang takbo dahil sa mga aso.
Isa sa mga aso na nakabantay sa kaniya si "Dusty," na isang malaking bread na Belgian Malinois.
Ayon kay Calizo, napasilip siya sa labas dahil sa tahol ng mga aso. Doon niya nakita na inaatake na ni Dusty na lalaki sa paa at tiyan.
Tinatanong ni Calizo kung sino ang lalaki pero hindi ito sumasagot at dahan-dahan nga na lumalapit sa pinto ng gate hanggang sa tuluyang makalabas.
Isa umanong kawatan ang lalaki na hinahabol ng mga awtoridad at sa naturang bakuran nagtago hanggang sa makita ng mga aso--kabilang ang matapang na si Dusty.
Hindi pa tukoy ang pagkakakilanlan sa suspek na duguan nang makaalis dahil sa tinamong mga kagat mula sa aso. --FRJ, GMA Integrated News
