Isang batang lalaki na naglalaro ng mobile game sa cellphone ang bigla na lang tumirik ang mga mata, nanigas ang katawan, hanggang sa tuluyan siyang mangisay sa Danao City sa Cebu. Ang hinala ng kaniyang pamilya, dulot ito ng kaniyang labis na pagse-cellphone. Tama kaya ang kanilang paniwala? Alamin.
Sa nakaraang episode ng “Kapuso Mo, Jessica Soho,” sinabing mahigit tatlong oras na umanong walang awat sa paglalaro ng mobile games sa cellphone ang 11-anyos na si Thomas Jeniel Entero.
“Paggising ko ng 5 ng umaga, wala na ‘yung cellphone ko kasi kinuha na ni Tomas. Nag-umpisa na agad siyang maglaro,” sabi ni Jeylone Entero, nanay ng bata.
“Galing kami sa simbahan, pagkatapos ko magbihis pumunta ako rito sa bahay ng anak ko tapos naabutan ko na siyang nagse-cellphone,” sabi naman ni Rosita Oliverio, lola ng bata.
Hanggang sa habang nakaupo at naglalaro, bigla na lang tila inatake ng kumbulsiyon si Jeniel. Agad namang sumaklolo ang mga kaanak niya.
“Nagtaka ako kasi pagtingin ko sa bata, tumitirik na ‘yung mata. Nangitim din ang mukha. ‘Yung kamay niya sobrang nanigas! Kahit anong gawin ko para gumaling ‘yung kamay niya sobrang tigas pa rin!” sabi ni Rosita.
“Nabigla ako noon kasi baka ano na ang nangyari sa anak ko,” pahayag naman kay Jeylone.
Ayon sa tiyuhin ni Jeniel na si Jigler Oliverio, unang beses itong nangyari sa kanilang pamilya.
Sinubukan ni Rosita na alog-alugin ang ulo ng kaniyang apo. Kalaunan, naisipan ng mga kaanak na pisil-pisilin ang katawan ni Jeniel.
Pagkaraan ng ilang minuto, bumalik sa ulirat si Jeniel.
“Kinabahan ako sa nangyari kasi baka hindi na ako gumaling,” sabi ni Jeniel
“Noong araw na ‘yun wala akong klase. Pagkagising ko nag-cellphone na ako agad hanggang tanghali. Noong naglalaro ako bigla na lang akong nahilo, bigla lang nawala ‘yung paningin ko kaya nahimatay ako noon,” kuwento niya.
Nang suriin si Jeniel ng neurosurgeon na si Dr. Annabelle Alcarde, sinabi ng doktora na wala naman siyang nakitang abnormality sa utak ng bata, kaya normal naman ito, maliban na lamang sa sinusitis.
Ngunit inamin ni Jeylone na araw-araw babad sa kase-cellphone si Jeniel. Ayon sa ina, kinukuha ni Jeniel ang kaniyang cellphone sa tuwing maglalaba siya at anim na oras itong gagamitin ng bata.
“Pagkatapos maglaro, sinasabi niya ‘Yung ulo at mata ko Ma, masakit,’” sabi ni Jeylone.
“Kapag walang klase, mula umaga hanggang hapon. Hihinto lang siya kapag kumakain,” sabi ni Jigler.
Pinagsasabihan naman ni Jeylone ang anak ngunit, “Pinababayaan ko na lang siya kasi nagagalit siya kapag natatalo sa laro.”
Paliwanag ni Dr. Alcarde, hindi lamang dahil sa nagga-gadget ang dahilan para magka-seizure ang isang tao.
"Other triggers, siyempre, sinasabi ko nga, hindi lahat ‘yan sa utak. ‘Pag hindi siya kumakain, kunwari nagkulang siya sa sugar or nagkulang sa sodium, puwede rin mag-seizure ‘yung mga tao. Kulang sa tulog, stress, kulang sa pahinga, or baka mayroong ibang dahilan, kunwari, nabagok, may tumor ba, may ibang abnormal na ugat sa utak, pwede rin lahat ito mag-seizure,” ani Dr. Alcarde.
Nagpaalala rin ang mga eksperto na may negatibong epekto sa timbang, motor, at cognitive development, pati na sa social at psychological well-being, lalo na ng mga bata, ang labis na screen time o paggamit ng gadgets tulad ng cellphone, tablet, pati na TV at computer.
Payo ni Dr. Alcarde, dalawang oras lamang ang rekomendado para sa mga matatanda, samantalang mas maiksing oras para sa mga bata.
Sabi naman ni Jeniel, “Makinig tayo sa mama at papa natin. Huwag maging pasaway. Dahil sa nangyari, hindi na ako magse-cellphone.” -- FRJ, GMA Integrated News
