Pumanaw na nitong Lunes ng gabi ang isa sa mga binaril sa nangyaring road rage incident sa Antipolo City na nangyari nitong Linggo ng hapon.

Sa panayam ng Super Radyo dzBB, sinabi ni Police Lieutenant Colonel Ryan Manongdo, hepe ng Antipolo City Police, na pumanaw ang biktima na nagtamo ng tama ng bala sa ulo kaninang 6:05 sa ospital.

Dahil sa pagpanaw ng biktima, sinabi ni Manongdo na iaakyat nila sa mas mabigat na kaso ang reklamong isasampa laban sa suspek.

"I-a-upgrade [ang kaso]. Kukunin lang natin ang death certificate ng nasawing biktima," ayon sa opisyal, na sinabing reklamong three counts ng frustrated murder at paglabag sa gun ban ang naunang isinampa laban sa suspek.

Ayon kay Manongdo, ang nasawing biktima ang nakita sa viral video na binaril ng suspek nang malapitan at bumagsak malapit sa gulong ng SUV nito.

 

 

Unang iniulat na apat ang nasugatan sa nangyaring pamamaril ng suspek na nangyari sa Marcos Highway sa bahagi ng Barangay San Jose.

BASAHIN: Giit ng Antipolo road rage suspect, siya ang ginitgit ng mga rider; pero itinanggi ng anak ng 1 sa mga biktima

Sinasabing nag-ugat ang gulo sa gitgitan sa kalsada ng ilang motorcycle riders at SUV na minamaneho ng suspek.

Sa tatlong nasugatan ng suspek, nakalabas na ng ospital ang dalawa habang inoperahan ang isang kritikal, na siyang pumanaw kanina.

Kabilang din sa tinamaan ng bala ang isang babae na kasama mismo ng suspek. -- FRJ, GMA Integrated News