Inilahad ng Parish Pastoral Council for Responsible Voting (PPCRV) at National Citizens' Movement for Free Elections (NAMFREL) na nagsilbing “game changer” para sa Eleksyon 2025 ang youth vote, na binubuo ng Millenials at Gen Zs.Sa panayam sa kaniya sa GMA show na Unang Hirit, ipinakita ni Dr. Philip Arnold Tuaño, Dean ng Ateneo School of Government, na batay sa datos, may 25.94 milyong Millennials ang bumoto na katumbas ng 34.15% ng mga botante noong Mayo 12. Samantalang may 21.87 milyon namang Gen Z o 28.79% ang bumoto rin, o pinagsamang 47.81 milyong boto.Ang mga Millennial ay nakaboto na ng isa hanggang dalawang electoral cycles, samantalang karamihan naman sa mga Gen Z ay mga first time voter.Binanggit din ni Tuaño ang ginawa nilang pag-aaral noong 2018-2019 na Pinoy Voters Vibe, kung saan tiningnan nila ang mga katangian ng youth voters, kasama na ang mga Gen Zs at Millennials.Tinukoy ang mga botante na tinatawag na “Satisfied Democrats,” “Dissatisfied Democrats,” “Satisfied Authoritarians,” at “Dissatisfied Authoritarians.”“So, nakikita namin na malaking bahagi nga sa Dissatisfied Democrats ay ito ‘yung mga 28% of the voters. So, masasabi natin, partly, I think, the surprise that came out during the elections is itong turn out nga ng Dissatisfied Democrats kasi sila mismo ang mga game changers,” ani Tuaño.Dahil sa youth voters, nagkaroon ng “electoral surprise” at nakapasok sa Magic 12 sina Bam Aquino at Kiko Pangilinan.Samantala, hindi pa man ipinoproklama ang mga opisyal na resulta ng mga nagwaging senador sa Eleksyon 2025, may mga kandidatong malaki na ang posibilidad na manalo.Inilahad ni Tuaño ang mga posibleng implikasyon ng mga alyansa ng mga incumbent at mauupong senador tungkol sa magiging impeachment trial kay Vice President Sara Duterte.“Sa ngayon, kung titingnan natin nga talaga 'yung bilang ngayon, we expect that, of course the minority, which actually has been very, well, principled in terms of the opposition. So we can say that Senator (Risa) Hontiveros, Senator (Bam) Aquino, and also Senator (Kiko) Pangilinan will actually play an active role also in the impeachment proceedings,” ayon sa kaniya.“So I think we can say that at least pa sa sabi natin sila ang minority,” dagdag ni Tuaño.Gayunman, hindi maaaring maliitin ang mga inendosong kandidato ni Duterte noong kampanya pagdating sa magiging takbo ng kaniyang impeachment, gaya nina Senador Bong Go, Bato dela Rosa, at Rodante Marcoleta.“It's an interesting dynamic and I think we have to wait for what will happen in the coming impeachment proceedings,” sabi ni Tuaño.Tunghayan sa video ang buong talakayan sa usapin matapos ang Eleksyon 2025. -- FRJ, GMA Integrated NewsFor more Eleksyon 2025 related content and updates, visit GMA News Online's Eleksyon 2025 microsite.