Isang lalaki ang nahuli-cam na tinangkang sunugin ang isang restaurant sa Melbourne, Australia. Ngunit ang suspek, nagliyab din.
Sa isang video ng Victoria Police na mapanonood din sa GMA Integrated Newsfeed, makikita sa video na pumasok sa restaurant ang suspek na may dala-dalang fuel container.
Ilang saglit lang, ibinuhos na niya ang laman nitong gas sa may bar area.
Ngunit pagkasindi ng apoy, nagliyab din ang kaniyang damit kaya nagmadali siyang lumayo.
Nagsimula nang mag-panic ang lalaki at ilang beses nagkadulas-dulas, bago tuluyang nakalabas.
Nagmamadali ang lalaki na sumakay ng kotse habang patuloy pa rin sa pagliyab ang kaniyang damit.
Sa isang banda, napaupo pa ang suspek at nagpagulong-gulong para mapatay ang apoy.
Tumakas kalaunan ang lalaki gamit ang kotse na minamaneho umano ng kasabwat nito.
Patuloy na pinaghahanap ng mga awtoridad ang lalaki.
Ayon sa pulisya, nagkaroon ng minor damages ang restaurant.
"This is yet another example of just how unpredictable fire is and the inherent dangers of arson – it is probable this man will have needed some kind of treatment for significant burns," sabi ni Detective Inspector Graham Banks ng Taskforce Lunar. -- Jamil Santos/FRJ, GMA Integrated News
