Inihayag ni "Alyas Totoy," ang isa sa suspek sa kaso ng nawawalang mga sabungero, na isisiwalat niya na ang lahat ng kaniyang nalalaman dahil idinamay at pinagbabantaan na rin ang kaligtasan ng kaniyang pamilya.Sa nakaraang episode ng "Kapuso Mo, Jessica Soho," sinabi ni Totoy na hindi lang 34 na sabungero ang alam niyang pinatay at itinapon ang bangkay sa Taal lake, kung hindi aabot sa mahigit 100.Isang may-ari ng sabungan at online sabong operations umano ang nasa likod ng mga krimen. Ang mga biktima, pinagbibintangan na nandadaya umano sa laban ng mga manok o "nantitiyope.""Lahat ng miyembro, kasali sila at kasama ang mga anak niya," ani Totoy. "Siya ang nagre-release ng pera sa butcher. Halimbawa, mag-request ako ng P2,000,000, 'yung anak niya ang nag-a-approve sa lahat."Ayon kay Totoy, tanggap niya kung nais siyang ipapatay pero ibang usapan umano nang idamay na rin ang kaniyang pamilya."Sabihin ko lahat ng alam ko dahil binantaan mo na pati pamilya ko. Tanggap ko na sa sarili ko na patayin mo ako. Huwag mo lang idamay ang mag-ina ko," ani Totoy na sinabing may P20 milyon patong umano sa ulo niya para patayin.Sa nakaraang panayam ni Emil Sumangil, sinabi ni Totoy na wala nang buhay sa nawawalang mga sabungero. Pinapatay umano ang mga biktima sa pamamagitan ng pagsakal gamit ang tire wire.Nauna na rin niyang sinabi na itinali sa pabigat na may buhangin ang mga bangkay at saka inihulog sa Taal lake para hindi lumutang."Kung huhukayin 'yun, mga buto-buto na lang," saad niya. "Paano natin makilala na sila 'yun? At hindi lang ang missing sabungero tinatapon doon, pati mga drug lord, tinatapon doon." Ipinaliwanag ni Totoy, na nangyayari ang dayaan sa sabong o pagtiyope sa pamamagitan ng pagpapahina sa panabong na manok ng sabungero at saka tataya sa kalabang manok.Inihayag ng Department of Justice na bukas sila na alamin ang mga isisiwalat ni Alyas Totoy, at handa rin silang isailalim ito sa Witness Protection Program."Papakinggan namin siya at bibigyan ng proteksyon," ani Justice Secretary Jesus Crispin Remulla.Panoorin ang buong ulat sa video ng "KMJS." —GMA Integrated News