Mula sa pagla-livestream, sa kulungan ang bagsak ng isang lalaki matapos siyang makita online na may sa hawak na sachet na hinihinalang shabu ang laman sa Mabalacat, Pampanga.
Sa ulat ng GMA Regional TV One North Central Luzon nitong Biyernes, sinabing kaagad nagsagawa ng operasyon ang pulisya nang makarating sa kaalaman nila ang tungkol sa livestream ng lalaki sa social media.
Sa isinagawang buy-bust operation, nasakote ang suspek, pati na ang dalawang tao na naaktuhan umanong gumagamit ng ilegal na droga.
Nakakumpiska umano ang mga awtoridad ng limang sachet na hinihinalang may lamang shabu na tinatayang P40,000 ang halaga.
Isasailalim pa sa pagsusuri kung shabu talaga ang nakumpiskang mga hinihinalang droga.
Wala namang pahayag ang mga suspek, ayon sa ulat. –FRJ, GMA Integrated News
