Nag-viral kamakailan sa social media ang video na makikita ang isang uri ng nilalang na may pakpak na lumilipad palayo matapos na tangkaing hampasin ng isang lalaki na nasa bubungan. Totoo nga kayang “wakwak” o aswang ang nahuli-cam sa isang barangay sa General Santos? Alamin.

Sa isang episode ng “Kuya Kim ang Dami Mong Alam,” makikita ang isang lalaki sa bubungan na may hawak na pamalo para itaboy ang nilalang na may pakpak.

“Ngayon lang ako nakakita ng ganung kalaki. Para talaga siyang wakwak,” ayon sa isang residente na si Milky Tayal na nag-upload ng video.

Sabi pa ni Milky, malaki at pula raw ang mata ng nilalang, mahaba ang pakpak, at medyo mahaba ang nguso.

Ayon cultural anthropologist na si Prof, Nestor Castro, matagal nang paniniwala sa kabisayaan ang tungkol sa wakwak na kumakain umano ng tao. Napansin na umano ng mga Kastila noong 16th century ang naturang paniniwala nang dumating ang mga dayuhan sa bansa.

Sa kasalukuyang panahon, mahirap umano patotohanan kung mayroon nga ba talagang wakwak.

Gayunman, ang ibang residente na nakakita sa lumipad na nilalang sa GenSan, naniniwala na hindi aswang kung hindi isang napakalaking paniki ang kanilang nakita—katulad ng flying fox.

Isang larawan ng flying fox ang ipinakita kay Milky, at sinabi niyang kamukha nito ang nakuhanan niya sa video.

Base sa sukat, hinihinala ni Jay Fedelino, wildlife biologist, UP Institute of Biology, na maaaring isang uri nga ng flying fox ang nakita ng mga tao sa GenSan.

Paliwanag ni Fedelino, sa gabi lumilipad ang mga flying fox sa malalayong lugar para maghanap ng pagkain. Hindi umano maiiwasan na madaan ang mga paniki sa lugar na may mga nakatirang tao.

Maaaring nagpahinga umano ang paniki nang makita ng mga tao na nag-aalala dahil sa laki nito.

Umaabot umano ang lapad ng pakpak ng flying fox ng 1.5 hanggang 1.7 meters o halos kasinglaki ng tao.– FRJ, GMA Integrated News