Mula sa pagiging isang reseller, nagpasya ang isang misis na gumawa ng sarili nilang baby sleeping essentials. Hanggang sa pinag-resign na niya sa trabaho ang kaniyang mister para maging hands on sila sa kanilang negosyo na sinimulan nang halos wala silang inilabas na puhunan. Alamin kung paano nila ito nagawa.

Sa nakaraang episode ng “Pera Paraan,” itinampok ang Eli’s Baby Nest Wooden Crib Comforter and Stuff, ng mag-asawang sina Clarish at Edwin Mendoza, na may bedding set, na may kasamang comforter at mga unan na gawa sa quality cotton fabric.

Bago nito, reseller muna si Clarish, o nag-aangkat ng produkto ng iba na kaniyang ibinebenta. 

Hanggang sa nakahanap siya ng supplier mula Malabon, Caloocan at Meycauayan, Bulacan. Sa isang bedding set na nagkakahalaga ng P1,000, naibibenta niya ito ng P1,200. 

Limang taong naging reseller si Clarish bago niya naisipang gumawa ng sarili nilang produkto.

Pinag-resign ni Clarish ang mister niyang si Edwin na isang field collector para sila na mismo ang gagawa ng sarili nilang bedding products at matiyak ang kalidad.

“Mahirap oo. Pero habang tumatagal, na-adapt mo na ‘yun. Meron ‘yung mga solusyon din sa bawat na problema,” sabi ni Edwin.

“Iba 'yung kami 'yung hahawak mismo dahil mas magagawa mo sa produkto 'yung gusto mo. Mas makakapag-decide ka agad kesa 'yung kumukuha ka sa iba,” ani Clarish.

Libre na nilang inaalok sa mga kostumer ang mga customized name na ibinuburda sa produkto, na dating may additional charge. Meron na rin silang umaabot ng 70 hanggang 80 bedding designs.

Naging hamon sa negosyong baby sleeping essentials ang maraming orders. Noon, dapat nilang maipa-ship ang parcel within two days kapag may nag-order sa selling platform. Ngayon, kailangan makapagpa-ship sila within the day kapag may pumasok na order bago mag-2 p.m.

Kaya naman talagang hands-on ang mag-asawa sa negosyo.

Si Clarish ang admin na nag-aasikaso sa marketing at pricing, habang si Edwin naman ang magde-deliver sa mga hub, driver kapag hahango o bibili ng tela, at taga-pack.

Steady ang benta tuwing Enero hanggang Abril samantalang peak season naman ang Nobyembre at Disyembre, kaya kumikita sila ng hanggang anim na digits.

Sa ganda ng kita, nakapagpundar na sina Clarish at Edwin ng lupa, bahay, sasakyan, at nakapag-travel na rin silang buong pamilya. – FRJ, GMA Integrated News