Ipinanukala kamakailan ng isang senador na ipagbawal ang paggamit ng social media para sa mga menor de edad o 18-anyos pababa. Alamin ang pananaw tungkol dito ng ilang tao at netizens.
Sa #AnsabeMo segment ng Balitanghali nitong Martes, inilahad ng ilang netizens ang kanilang saloobin sa isyu.
"Hindi naman kailangan talaga ipagbawal. Ang kailangan talaga patnubay at gabay ng magulang," sabi ni Jonel Apostol Dela Rosa.
"Okay 'yan lalo na ngayong panahon kung ano-ano ang nakikita sa social media na 'di naman angkop sa mga bata," sabi naman ni Kagura.
Ayon sa magulang na si Melody Begonte Amandoron, "Nung inalis ang CP ng mga anak ko, nakapag-focus sila sa school at nag-perform nang maayos. Nag-improve ang grades, natulog nang maaga, at gumagawa na ng assignments. Pinapayagan lang namin maglaro ng ilang minuto para fair, kapag nasunod - ayos ang buhay."
Sinabi naman ni Mon Neth na maaari pang ipagbawal kung nasa elementarya pa ang mga bata, ngunit kung highschool na ang mga ito, importante ang cellphone lalo na sa mga panggabi na umuuwi ng 7 p.m. o 8 p.m.
Sa hiwalay na ulat ni Bam Alegre sa Unang Balita nitong Martes, aminado ang ginang na si Josephine Salvador na mahihirapan siyang kontrolin ang anak sa paggamit ng social media.
Para na raw kasing laruan na ng anak ang smartphone na nakakagamit ng social media kung saan nanood ito ng mga content at games.
Ang inang na si Arlene Reyes, naniniwala na may katwiran ang panukalang ipagbawal sa mga menor de edad ang social media.
“Kasi hindi mo rin makokontrol as parent na mas magaling pa yung mga bata na gumamit ng tablet, ng cellphone kaysa sa akin,” saad niya. “So hindi natin nakikita kung ano yung tinitingnan nila.”
Si Jun Soriano, sinabing bahagi na ng tao ang social media kaya mahirap na itong alisin sa kabataan kaya mas makabubuting magkaroon na lang ng regulasyon.
“Part na ng buhay ng tao. Kapag ang isang bagay ay part na ng buhay ng tao kapag inalis mo parang hindi maganda,” paliwanag niya. “Pero kung ireregulate lang o may something na gagawin na pinaghandaan dapat nila.”
Nauna nang naghain ng nagbabalik sa Senado na si Panfilo “Ping” Lacson ng panukala na ipagbawal sa mga menor de edad ang paggamit ng mga serbisyo sa social media gaya ng ginawa ng Australia.
Ang mga social media platform naman ay magsagawa ng "reasonable steps and age verification measures to prevent age-restricted users from registering, accessing, or continuing to use their social media service."
Ang Council for the Welfare of Children (CWC), pabor na i-regulate ang paggamit ng social media sa paggamit ng menor de edad pero may agam-agam sila na ipagbawal ito nang tuluyan.
“Yung regulation, wine-welcome namin ‘yan. Kasi siyempre, maraming threats na talagang ano, nasasadlak ang ating mga bata, yung minors natin below 18 po ‘yan, whether this is cyberbullying na mataas pa rin base sa datos ng Department of Education; ang online sexual abuse or exploitation of children…at iba’t-ibang scams pa po, at mga panlilinlang, fake news, misinformation laban sa bata,” saad ni CWC Executive Director Angelo Tapales sa nakaraang pahayag.
Pero sa total ban sa paggamit ng social media ng mga menor de edad, sabi ng opisyal, “I don’t think kailangan silang i-ban, because at the end of the day we are balancing the rights of children to child protection and yung right to participate naman nila to information na iginagalang din ng ating Saligang Batas.” -- FRJ, GMA Integrated News
