Karaniwan na may problemang pinagdaraanan ang mga naaadik sa pagsusugal, ayon sa isang addiction specialist.

“Nagsa-start siya usually pagka yung tao ay na-e-entice na magsugal, like may pangangailangan or nayayaya, or minsan, more commonly may pinagdaraanan," paliwanag ng mental health advocate na si Dr. Miko Amansec.

"Usually may unos o may problemang pinagdaraanan, nagiging ano nila 'yung [sugal] parang stress reliever,” dagdag niya.

Ayon pa sa doktor, ang adiksyon sa sugal, may kinalaman sa kemikal sa utak na tinatawag na dopamine na konektado sa kasiyahan ng isang tao. 

“Dahil yung dopamine, linked sa kasayahan. Nali-link din nila 'yung sugal sa kasayahan. Mag-i-start sila magsugal, mananalo sila ng konti, tapos kapag nalungkot na naman sila, hahanapin na naman nila yung saya na nabibigay ng sugal,” sabi ni Amansec. 

Pero habang tumatagal aniya sa pagsusugal ay nagiging insensitive ang utak sa dopamine. 

“Ang rationale ganito, yung P50 ko nanalo ng P500, Ok? Nag-release siya ng dopamine sa utak, however habang tumatagal yung dopamine, yung chemical sa utak, nagiging insensitive na yung utak mo doon, so kailangan mas mataas ang itaya mo para mas maraming dopamine ang pakawalan ng utak mo at mas sumaya ka,” paliwanag pa ni Amansec.

Kabilang aniya sa mga senyales para masabing adik o, lulong na sa sugal ang isang tao ay ang paghahabol ng talo, pagsisinungaling, pataas nang pataas na pagtaya, pre-occupation at craving. 

Para magamot ang adiksyon sa sugal, maaaring komunsulta sa doktor para maresetahan ng gamot na makakapagpanumbalik ng dating dopamine sensitivity ng utak at mawala ang craving. 

Sinasailalim din sila sa therapy kung saan inaalam ang problema ng isang tao at mga dahilan sa pagsusugal. 

“Iba-iba ang kuwento eh, pero may kaniya-kaniya silang hugot. Doon lang nila kinukuha yung validation,” sabi ni Amansec.

Nang tanungin kung dapat matunton ang ugat ng problem, sabi ni Amansec, "Oo, yung main [cause], kasi kung hindi mo i-a-address ang root cause, babalik.”

Pinapayuhan din daw nila ang mga pasyente na magkaroon ng healthier outlet tulad ng pag-e-ehersisyo tulad ng biking, paggawa ng art o ibang creative na libangan, at bonding kasama ang pamilya. — BM/FRJ, GMA Integrated News