Kahit 10-taong-gulang pa lamang, ngunit tila matanda na ang hitsura ng isang babae sa Gutalac, Zamboanga del Norte. Lawlaw na ang balat niya sa mukha, kulubot ang mga siko at tuhod, at humihina na ang paningin at pandinig. Ano nga ba ang kaniyang kondisyon? Alamin.

Sa nakaraang episode ng “Kapuso Mo, Jessica Soho,” ipinakilala ang batang si Ghia Shanmea Une, na lumaking mahiyain dahil sa kaniyang kondisyon, at naging tampulan pa ng tukso.

“Malaki raw ‘yung mata ko. Kapag magkasama kami ni Mama, may nagsasabi na mas matanda pa akong tingnan kaysa sa kaniya. ‘Yung ibang bata, hindi nila ako sinasali sa laro kasi iba raw hitsura ko,” sabi ni Ghia.

“Nalulungkot po. ‘Yung balat ng ibang bata ay hindi kulubot. ‘Yung akin lang po ang kulubot,” sabi pa niya.

Si Marites Une, ina ni Ghia, may sinugod nang ina dahil sa ginawang pagpuna sa kaniyang anak.

Bukod sa pisikal na hitsura, tila parupok din nang parupok ang munting katawan ni Ghia, na iniinda na ang sumasakit niyang tuhod sa tuwing tumatakbo.

Normal naman daw nang isinilang ni Marites si Ghia, na kaniyang ipinaglihi sa balat ng manok. Pagkarating ng siyam na buwan, nagkapulmonya ang sanggol at unti-unting pumapayat at kumukulubot ang leeg at mga kamay nito ng bata.

Pagsapit ng magli-limang-taong-gulang, humina na ang pandinig ni Ghia.

“Sabihin niya, wala daw po siyang narinig. Kailangan pa limang beses po siyang tatawagin po. Ngayon po na malaki na po siya, ‘yung nabingi po siya. Masakit daw po ‘yung tainga niya,” sabi ni Marites.

Grade 4 na ngayon si Ghia, na malayo ang nilalakad kapag pumapasok sa eskuwela kaya sumasakit ang kaniyang tuhod.

Lumalapit din siya sa blackboard para hindi mahirapang magbasa at marinig ang kaniyang guro.

Ayon sa kaniyang guro, tila nagiging makakalimutin din si Ghia na naiiwan ang kaniyang mga gamit sa paaralan kapag uwian na.

Naluluha rin ang mata ni Ghia at hindi makatitig nang matagal, ayon kay Marites.

Sa kabila ng kalagayan, isa pa rin si Ghia sa mga nangungunang estudyante ng kanilang eskuwelahan, na nakasungkit ng mga award at medalya.

“Nag-aaral ako nang mabuti para maka-graduate at makapagtrabaho para makatulong din kay Mama. Gusto kong maging teacher para makatulong sa mga bata,” sabi ni Ghia.

Paliwanag ng doktor na nilapitan nina Ghia, posible siyang may Progeria, isang rare genetic disorder na bumibilis ang pagtanda ng isang tao.

“There's no cure for progeria as of the moment. What we can do is the supportive measures or management. Scientifically, hindi siya dahil sa chicken skin [na pinaglihihan]. Kaya naging kulubot ‘yung balat niya… Actually, ‘yung mga paglilihi, so kailangan natin i-respect nu’n kasi culture is scientifically and medically unfounded at wala pa siyang biochemical mechanism or connection,” sabi ni Dr. Mirasol Ellong, pediatrician.

Normal naman ang pag-iisip ng mga batang may progeria.

Batay sa mga pag-aaral at research, 15 taon lamang ang itinatagal ng mga batang may progeria, at tumatanda ng hanggang 20 ang edad.

“Hindi ako naniniwala na hanggang 15 lang ako, kasi normal naman ako sa pakiramdam ko,” sabi ni Ghia.

“Tumatangkad nga siya pero nasa shorter side pa rin siya. ‘Yung height niya ngayon is nasa negative 2 standard deviation. Kasi kailangan natin pa ng definitive diagnostic test sa genetics testing,” sabi ni Dr. Ellong.

Hindi rin nawawala ang takot ng mag-ina, lalo sa tuwing sumasapit ang kaarawan ni Ghia.

“Ayaw kong mag-15 kasi ayaw kong umalis,” sabi ni Ghia.

“Kung kaya ko lang po pigilan 'yung panahon, sana po hindi na lang po dumating po na 15 to 20 years old lang po siya,” emosyonal na sabi ni Marites tungkol sa kaniyang anak.

Tunghayan sa KMJS ang pagpapakonsulta ni Ghia sa doktor para makumpirma ang kaniyang totoong kondisyon.—FRJ, GMA Integrated News