Ang biyuda at kaisa-isang babaeng taxi driver ng General Santos City, natagpuan ang bagong pag-ibig sa katauhan ng kaniyang pasaherong Aleman. Ang couple, masayang ibinalita na engaged na sila.

Sa nakaraang episode ng “Kapuso Mo, Jessica Soho,” ipinakilala si Theresa Palomar, na masayang sinundo at mahigpit na niyakap sa airport ang kaniyang ka-mutual understanding” na si Alexander Jobst.

“I started visiting the Philippines in October 2019 for the first time. The first reason was meeting a friend,” kuwento ni Alexander.

Samantala, nabiyuda naman Theresa noong 2013 at naging solo parent sa kaniyang mga anak.

“Hindi ako naghanap ng lalaki para maibsan ang kalungkutan ko. I struggled na kailangan mag-work ako,” sabi ni Theresa, na pumasok bilang janitress at sales clerk.

Kalaunan, naisip niyang magbago ng karera bilang isang taxi driver.

“Gusto ko 'yung may freedom. Gusto ko maka-meet na ibang tao. Sabi ko, ‘Ma'am may bakante po ba kayong taxi? Mag-a-apply po ako.’ ‘Sino mag-a-apply? Asawa mo?’ Sabi ko, ‘Hindi po. Ako.’ ‘Ha? Ikaw?’ Sabi ko, ‘Bakit po, may discrimination?’ Sabi niya, ‘Wala naman. Nagulat lang ako kasi first time may babae,’” kuwento ni Theresa tungkol sa pag-apply niya bilang taxi driver.

Kaya naman madalas magulat ang mga pasahero kapag sumasakay sa taxi ni Theresa dahil naninibago dahil sa isang babae ang taxi driver.

Mahigit isang dekada nang taxi driver si Theresa, at may mga nagsasabi sa kaniya na muli nang mag-asawa o mag-boyfriend. Pero hindi raw iyon ang kaniyang prayoridad.

Mayo nitong nakaraang taon nang may magrekomenda sa kay Theresa na magmaneho para sa isang Aleman na bibisita sa General Santos City na si Alex.

Kalaunan, naisipan ni Theresa na i-chat si Alex.

“Sabi ko, ‘Hala, saan na 'yung pasahero ko?’ Ma-text nga, ‘Hi sir, good morning, how are you? When are you coming back to your country? I am free to drive you back in the airport.’ Sabi niya, ‘I'm here already in Germany. But don't worry, I'll be back on September 29. Gusto ko, ibu-book kita as my taxi driver for the whole month. That's nice, sabi ko sa kanya.’ Araw-araw kami nag-text. Kamusta? Hi, hello, good morning, how are you?” kuwento ni Theresa sa pag-uusap nila ni Alex.

Hanggang sa magtanungan na sila kung pareho silang single. Si Theresa, 11 taon nang single habang si Alex, “since birth” pa raw.

Pagkabalik ni Alex sa GenSan, dito na sila nagkita nang personal si Theresa, ngunit nagpakapropesyunal muna siya bilang taxi driver.

“Walang intention kasi hindi lang naman siya ang naging pasahero ko na foreigner,” anang taxi driver.

“Nag-start mag-develop. Unti-unti pero hindi ko lang talaga itinodo kasi baka masaktan ako tapos hindi niya ako gusto. Mahirap mag-assume tapos hindi pala,” ani Theresa.

Sina Theresa at Alex, nagkamabutihan na at nagpalitan na ng mga “I love you,” at “I miss you,” bago bumalik ang dayuhan sa Germany.

Hanggang nitong nakaraang Hunyo 11, bumalik muli sa Pilipinas si Alex at siyempre ang kaniyang driver—si Theresa.

At isang isang araw nang mag-aya si Alex na mag-mall, hindi inasahan ni Theresa na sa isang jewelry store sila babagsak at biglang nag-propose sa kaniya si Alex.

“Hindi ko maintindihan ang reaction. As in, overwhelmed, masaya,” sabi ni Theresa.

Ayon naman kay Alex, “We decided spontaneously, yes!” 

“We're here already. Officially kami na,” masayang sabi ni Theresa.

Nagpaplano na sina Theresa at Alex sa kanilang kasal.

Sa ngayon, balik-Germany ulit si Alex, at si Theresa naman, handa raw maghintay.

“To continue pa rin kung ano 'yung meron kami ngayon. Hopefully, much more pa doon,” sabi ni Theresa. – FRJ, GMA Integrated News