Aksidente nga bang naisiwalat sa concert ng Coldplay sa Boston, USA, ang isa umanong hidden love affair? Ito ay matapos na biglang magtago ang magkayakap na couple nang ipakita sila sa “jumbotron” o malaking screen habang nagtatanghal ang banda.
Sa isang viral video na kuha ng fan sa concert, makikita sa screen ang couple na kumportableng yakap-yakap ng lalaki ang babae mula sa likuran.
Nang sabihin na ng bokalistang si Chris Martin na, "Oh look at these two," agad na yumuko ang lalaki paalis ng frame, habang tumalikod din mula sa camera ang babae na unang nagtakip ng mukha.
"Either they're having an affair, or they're just very shy," hirit pa ni Martin.
Nang kumakalat ang video online, inalam ng netizens ang pagkakakilanlan ng couple, na dahilan kung bakit nag-top si "Andy Byron" sa Google Trends. Umabot na ng mahigit 100K beses ang pag-search sa pangalang "Andy Byron."
Tinukoy ng Yahoo si Byron bilang CEO ng US tech company na Astronomer, habang ang babae naman ay si Kristin Cabot, Chief People Officer ni Byron.
Batay sa New York Post, ang Astronomer ay isang “AI and data company valued at about $1.2 billion.”
Dagdag pa ng publikasyon, Nobyembre noong nakaraang taon lamang natanggap si Cabot sa kompanya, habang hinangaan naman ni Byron ang kaniyang 20 taon karanasan sa HR at leadership skills.
Kasal at may-asawa umano si Byron, habang hiwalay na si Cabot mula noong 2022.
Ayon sa ilang netizens na matalas ang mata sa social media, tinanggal na umano ng asawa ni Byron ang apelyido ng kaniyang mister sa Facebook page.
Hindi pa nagbigay ng anumang mga pahayag ang Astronomer kaugnay sa insidente. Hindi pa nag-aanunsyo ang Coldplay tungkol sa mga pagbabago sa kanilang mga panuntunan sa concert jumbotron.
Umabot naman sa mahigit 41 million views na ang TikTok video ng jumbotron moment ng kontrobersiyal ba couple.-- Nika Roque/Jamil Santos/FRJ, GMA Integrated News

_2025_07_18_10_32_08.jpg)