Ilang insidente ng pagkakakuryente ang naitala sa harap ng nararanasang mga pag-ulan sa bansa. Paano nga ba maiiwasan ang mga ganitong trahediya sakaling pasukin ng baha ang bahay? Alamin.

Sa Meycauayan, Bulacan, isang barangay health worker ang nasawi matapos makuryente habang sinusubukang kunin ang mga gamot sa binahang health center. Aksidente umanong napahawak ang biktima sa poste ng tent na kinapitan na pala ng kuryente.

Iniulat din sa GMA Regional TV News na isang lalaki naman ang nasawi nang makuryente rin habang nalalakad sa bangketa sa  Legazpi City, Albay, nang mapahawak siya sa isang poste na ginapangan na rin pala ng kuryente.

Sa episode ng Unang Hirit nitong Huwebes, naging bisita para magbigay ng ilang safety tips si Engr. Juan Paolo Tolentino, isang professional electrical engineer, at miyembro ng Electrical Safety Committee ng Institute on Integrated Electrical Engineer of the Philippines.

Ayon kay Tolentino, dapat tandaan na peligroso ang kuryente kapag isinama sa ulan, tubig, o baha. Paliwanag niya, mayroon conductive material ang tubig o puwedeng daluyan ng kuryente.

Sa insidenteng nangyari sa Bulacan, posibleng nakuryente umano ang biktima kung may live wire na dumaloy sa tubig o kaya ay sa mismong bakal na nahawakan ng health worker.

Sapat umano ang lakas ng boltahe ng mga ganitong kuryente upang ipatigil ang tibok ng puso ng tao.

Paalala ni Tolentino, may ilang palatandaan na posibleng may kuryente na ang tubig kung may usok na nangyayari kapag naghalo ang tubig at kuryente.

Kung minsan, mayroon din madidinig na “buzzing” sound effect o ingay na tila likha ng kulisap gaya ng bubuyog.

Ayon pa kay Tolentino, kung batid na babahain na ang bahay, makabubuti na patayin na ang circuit breaker ng kuryente.

Magsuot din ng electrical gloves at rubber boots upang maging ligtas sa pagkakakuryente.

Kung hindi naman napatay ang circuit breaker at nakitang umuusok ito, makabubuting huwag nang lumapit at galawin. Sa halip, itawag na lang sa mga awtoridad o electric company para sila na mismo ang magpatay sa suplay ng kuryente.

Kapag nawala na ang baha, makabubuti rin na huwag munang gamitin ang mga saksakan ng kuryente at tiyakin na muna na tuyo na ang mga ito.

Ipinayo rin ni Tolentino na mas makabubuti kung tatawag muna ng license electrical engineer upang masuri ang suplay ng kuryente sa bahay at makatiyak na ligtas na itong gamitin muli. Panoorin sa video ang buong talakayan. – FRJ GMA Integrated News