Isang mag-asawa ang dinakip ng mga awtoridad bilang suspek sa pagpatay sa isang babaeng pitong-taong-gulang na nakitang walang saplot ang bangkay at lumulutang sa dalampasigan sa Dagupan City, Pangasinan. Ang lalaking suspek, ama mismo ng biktima.

Sa panayam ng Super Radio dzBB nitong Lunes, sinabi ni Police Lieutenant Colonel Lawrence Keith Calub, OIC ng Dagupan City Police, na naaresto ang mag-asawang suspek kinagabihan nang araw na makita ang bangkay ng batang biktima sa tabi ng dagat sa Barangay Bonuan Guese sa nasabing lungsod noong Agosto 15.

Ama umano ng biktima ang lalaking suspek, mula sa dati nitong kinakasama na ina ng bata.

Samantala, legal na asawa naman ngayon ng lalaki ang babaeng suspek, at hinihinalang magkasama ang dalawa nang kunin ang bata sa tapat ng bahay nito sa Asingan, Pangasinan, batay sa pahayag ng mga saksi.

 

 

Ayon kay Calub, naaresto nila ang mag-asawa sa Sison, Pangasinan matapos na natunton nila ang may-ari ng sasakyan na ginamit umano ng mga suspek sa pagkuha sa bata noong Agosto 14.

Lumitaw sa kanilang imbestigasyon na nirentahan ng lalaking suspek ang sasakyan, at natukoy ang pagkakakilanlan nito dahil sa iniwan na kopya ng ID nang rentahan ang sasakyan.

Sa ulat ng GMA Regional TV News, hinihinala ni Calub na paghihiganti ang motibo sa krimen.

“Nakikita natin na motive dito is vengeance. Medyo mahaba ‘yong kuwento pero about ito sa support, about sa miscarriage, about sa effect ng post-partum though marami pong effect pero ang nakikita natin is vengeance,” paliwanag ng opisyal.

Isasailalim din sa awtopsiya ang bangkay ng biktima upang alamin kung pinagsamantalahin din ang bata.

Nakadetine ang mag-asawa sa Dagupan police station at mahaharap sa kaukulang kaso. Kabilang umano sa posibleng ikasama sa dalawa ang kidnapping at parricide laban sa lalaking suspek, at kidnaping at murder laban sa babae. –FRJ GMA Integrated News