Nagbunga ang pagbabanat ng buto ng isang mag-asawa sa pagsasaka nang matupad nila ang pangarap nila para sa mga anak na makapagtapos ang mga ito ng pag-aaral sa San Remigio, Cebu. Kaya naman ang kanilang mga anak na mga propesyunal na ngayon, may munting handog ng pasasalamat para sa kanilang mga magulang.

Sa nakaraang episode ng “Kapuso Mo, jessica Soho,” itinampok ang mag-asawang sina Jovelita 64-anyos, at Diosdado Cataraja, 66-anyos, na halos buong buhay nang nagtatrabaho sa bukid.

Hindi nakapagtapos ng pag-aaral sina Tatay Diosing at Nanay Eva dahil sa kahirapan ng kanilang buhay.

“Minsan nahihiya akong makipag-usap sa iba kasi wala akong pinag-aralan. Hindi ako marunong mag-English. Hindi rin ako marunong mag-Tagalog, Bisaya lang,” sabi ni Tatay Diosing.

Si Nanay Eva naman, pangarap noon na maging guro. Ngunit walang trabaho ang kaniyang ina kaya tumulong na lamang siya sa kaniyang ama sa pagtatrabaho.

“Hindi alam ni nanay ang tunay kong nararamdaman. Hindi ko rin siya sinasabihan kasi masasaktan din siya,” sabi pa ni Nanay Eva.

Kaya naman nang magkaroon ng sarili nilang pamilya, ipinangako nina Tatay Diosing at Nanay Eva na gaano man kahirap, pilit nilang igagapang ang pag-aaral ng walo nilang mga anak.

“Sa umaga, nagtatrabaho ako sa maisan. Kapag hapon, mananahi naman ako sa tailoring. Dati habang nagtatrabaho ako, nag-aalaga rin ako ng baboy para may extra kita,” kuwento ni Nanay Eva.

Sa kabila ng kanilang pagkayod, hindi rin naiwasan na magkaroon ang mag-asawa ng mga utang para mapagtapos muna ng high school ang lahat ng kanilang mga anak.

Hanggang sa nag-shifting o salit-salitan na sa pag-aaral sa kolehiyo ang mga anak.

Nauna muna ang pangalawa nilang anak, na sinundan ng kanilang panganay sa sumunod na taon. Tumigil muna ang pangatlo nilang anak ng tatlong taon, nagtrabaho sa construction at nag-ipon.

“Grateful po ako eh, kaya minabuti ko talaga na makapagtapos para din ‘yung mga kapatid ko may kinabukasan din kasi sila,” sabi ng panganay na si Jovelita Cataraja, anak na nurse nina Nanay Eva at Tatay Diosing.

“‘Yung pang-tuition namin, binayad. Puro utang pang-allowance namin, pambili ng libro,” sabi naman ni Gorge Cataraja, isa na ngayong pulis.

“Nag-janitor ako habang nag-school. Kasi 'yung trabaho ko, umaga. ‘Pag sa gabi naman, doon na ako nag-aaral,” kuwento naman ni Diosdado Cataraja, anak na compressor technician.

“Kahit mahirap abutin 'yung mga pangarap namin, sinuportahan pa rin po nila kami. Kaya sabi ni Mama, tulong-tulong tayo, walang iwanan,” sabi pa Jovelita.

Dahil sa dami ng gastusin sa kolehiyo, mas lalong naghigpit ng kanilang sinturon ang mag-asawa, na araw-araw kumain ng kamote. Tatlong taon silang puro kamote lamang ang kinakain.

“Kahit mahirap ang buhay, dapat maging mabuti pa rin, baka kasi gumawa ng masama dahil sa dami ng gastos. Kaya nagtino talaga kami,” sabi ni Nanay Jovelita.

Hanggang nagbunga na ang lahat ng mga sakripisyo ng mag-asawa.

Registered nurse na ngayon ang panganay na si Jovelita. Mga pulis naman sina George at Rex. Architect naman ang pangatlong anak na si Jimbo. Technician si Diosdado Jr. habang seaman si Ray.

OFW naman sa Canada si Irene. Ang bunsong si Christine ang isinakatuparan ang pangarap ng kanilang ina na maging guro.

“Nagtrabaho nang tama, naghanap ng pera nang tama. Masaya ako ngayon sa kabila ng lahat ng sakit na pinagdaanan ko. Nakapagtapos ang mga anak namin, maayos ang buhay nila, hindi katulad namin noon,” sabi ni Nanay Eva.

Pinaka-iniingatan nina Nanay Eva at Tatay Diosing ang graduation pictures ng walo nilang mga anak.

Bilang pagtanaw sa pagsusumikap ng kanilang mga magulang, ang magkakapatid naman ang nagsabit ng medalya kina Tatay Diosing at Nanay Eva. Bukod dito, sagot na ng magkakapatid ang pagpasok sa Alternative Learning System o ALS ni Nanay Eva, na buhay pa rin ang pangarap na makapag-aral. – FRJ GMA Integrated News