Kailan mo huling nakita at nakasama ang iyong kapatid? Ang isang magkapatid, naging emosyonal nang muli silang magkita makaraan ang 20 taon. Ang bunso kasi, biglang naisipan noon na magtrabaho sa ibang bansa, habang ang kuya niyang sanggang-dikit noon, ilang beses na ngayong na-stroke. Alamin ang nakaaantig nilang kuwento.

Sa nakaraang episode ng “Good News,” ipinakilala ang magkapatid na sina Arnulfo, taga-Olongapo City, at nakababatang kapatid na si Angelo, na nakadestino sa Dammam, Saudi Arabia.

“Noong kabataan ko po, si kuya lagi ‘yung tatay-tatayan ko, kasi 'yung tatay namin at nanay namin lagging nasa abroad,” kuwento ni Angelo, na bunso sa magkakapatid.

Apat silang magkakapatid, ngunit iba ang pagiging malapit ni Angelo sa kaniyang kuya.

“‘Yan ang pinakamahal namin kasi bunso. Noong araw, konting kibot 'yan, naka-’Kuya ‘yan.’ Hinahatid-sundo ko sa eskuwela 'yan,” kuwento ni Arnulfo.

Sa tuwing may problema sa love life si Angelo noon, si kuya Arnulfo ang kaniyang takbuhan, at ito na rin ang nandiyan sa pag-aalaga sa kaniya.

“Nasa school ako, naging ‘Most Neat’ ako nu’n kasi hindi niya ako pinababayaan talaga na maging madungis. Kapag madungis ako papapalitan niya 'yung damit,” ani Angelo.

Kuwento naman ni Arnulfo, siya ang naglalaba ng mga damit ni Angelo papasok noon sa trabaho at pinagluluto pa ito ng pagkain.

Paboritong bonding ng magkuya ang sumayaw at kumanta.

Ngunit dahil sa pangangailangang kumayod sa buhay, sumabak sa iba’t ibang trabaho si Arnulfo bilang driver, aircon technician, at newspaper delivery boy. Nagtrabaho rin siya sa ibang bansa.

Labis na ikinalungkot si Arnulfo nang malaman niya na umalis din patungong Saudi Arabia si Angelo para magtrabaho.

“Ang nagsabi sa akin 'yung kapatid kong babae, ‘Kuya, 'yung bunso wala na, nilayasan na tayo,’ sabi niya. Sabi ko nga, walang forever,” emosyonal na sabi ni Arnulfo.

Nawalan na ng komunikasyon ang magkuya nang mag-abroad na si Angelo. Ilang taon ang dumaan at naging abala ang magkapatid at nagkaroon na rin ng kaniya-kaniyang buhay.

Kung uuwi naman si Angelo para magbakasyon, napakasaglit lang kaya pinupuntahan niya lamang ang kanilang ama sa Bolinao.

Hanggang sa natuklasan ni Angelo na tatlong beses na palang na-stroke ang kaniyang kuya Arnulfo.

Dahil dito, nagdesisyon si Angelo na umuwi sa Pilipinas nitong taon, at ang kuya niyang si Arnulfo ang nais niyang unang binisitahin at sorpresahin.

Sa tagal nang hindi pagkikita, hindi pa agad nabosesan ni Arnulfo si Angelo. Pero nang makita na niya na ang bunso pala ang kaniyang bisita, bumuhos na ang kaniyang emosyon.

“Pumayat siya pero nandoon pa rin 'yung kabaitan niya at pag-alala sa akin. 'Yung talagang typical na tatay ang dating sa akin,” ani Angelo.

Dahil kailangang bumalik sa kani-kaniyang buhay, bumalik na ulit sa Saudi si Angelo. Pero may munti siyang handog sa kaniyang kuya para palagi nitong maramdaman ang kaniyang presensya.

Tunghayan sa Good News ang madamdaming mensahe ng magkapatid sa isa’t isa, at ang pagtupad ni Angelo sa hiling ng kaniyang kuya. Panoorin. – FRJ GMA Integrated News