Tunay na umaapoy na ramen ang pakulo ng isang restaurant sa Quezon City, na kauna-unahan umano sa bansa. “Nagliliyab” din kaya ang kita nito? Alamin.
Sa nakaraang episode ng "Pera Paraan," itinampok ang Flash Ramen, na pagmamay-ari ni Romeo “RJ” Aguirre Jr.
Walong buwan na ang kanilang ramen house, at sila umano ang una sa Pilipinas na nag-aalok ng literal na umaapoy na ramen.
“So far, parang wala pang gumagawa dito sa Pilipinas. Kami pa lang 'yung naka-discover or gumagawa talaga dito sa within Quezon City,” sabi ni Romeo “RJ” Aguirre Jr.
Kuwento ni Aguirre, mahilig silang mag-travel sa Japan na kaniyang asawang si Laarni. Hanggang sa makakita sila ng umaapoy na ramen sa social media kaya hindi sila nag-atubiling suyurin ang Japan para maghanap nito.
“Hindi namin siya mahanap. So ang ginawa na lang namin, nag-try kami ng mga random ramen shops talaga. Everyday, from lunch, dinner, and minsan merienda, puro ramen lang 'yung tin-try namin,” sabi ni Aguirre.
Gayunman, hindi nila natikman ang fire ramen sa Japan, pero nag-aalab pa rin ang kagustuhan ng mag-asawa na dalhin ito sa Pilipinas.
Noong nakaraang taon, nag-umpisa ang mag-asawa sa kanilang Project Ramen 101 kasama ang Japanese chef na si Chef Nobu.
“Nag-allot kami ng months of research and development. As in, tinry namin lahat ng puwedeng ingredients na mailagay doon sa fire ramen o doon sa iba't ibang dishes namin. Hanggang sa, ayun, napanganak na si fire ramen talaga. Parang sabi namin, ‘Paapuyin kaya natin ito?’ Hindi lang basta umaapoy sa bibig mo, pero visually umaapoy din siya,” sabi ni Aguirre.
Kasama sa mga sangkap ng fire ramen ang miso-based soup, Ajitsuke tamago o seasoned egg, kikurage, pechay, chili oil, chili powder at ang vodka para umapoy.
Matitikman ang fire ramen sa halagang P559; Tantanmen Ramen sa halagang P549; pork-based Tonkotsu Ramen sa halagang P499; Shio Ramen sa halagang P499; at Shoyu Ramen sa halagang P499.
Disyembre 2024 binuksan nina Aguirre ang ramen house. Noong Enero 2025, nagsimulang mapansin ang kanilang fire ramen hanggang sa unti-unti itong sumikat.
“Ang first month, medyo mababa siya. 'Yung second month namin umabot kami ng almost seven digits agad. Tapos 'yung kasunod, as in, six digits 'yung kinikita namin. So, as in, risky siya at first, pero makikita mo na worth it 'yung mga nagastos mo kasi bumabalik din siya. So, naging masaya din talaga 'yung naging date,” sabi ni Aguirre.
Dahil dito, nakapag-upgrade na rin sila ng kitchen equipment at nakapag-travel pa ng ilang beses pabalik sa Japan.
May nagtatanong na rin daw sa kanila para sa franchise pero hindi pa raw silang ready para dito.
“Siyempre, hindi naman namin kinu-close 'yung door para sa mga ganong opportunities. But gusto namin muna talagang i-make sure na ready 'yung business namin for that. So, ngayon, naka-focus kami sa structure, sa mga processes namin, siyempre sa food service din, para at least ‘pag nag-expand kami, alam namin na ready talaga kami to face 'yung mas madaming tao or customers,” sabi ni Aguirre.
Payo ni Aguirre sa mga gustong magnegosyo: “Huwag kayong matakot mag-risk, kasi kung hindi niyo haharapin 'yung risk or challenge na ‘yun, siyempre walang mangyayari. Pero siyempre, kailangan maging careful din talaga kayo kasi nakasalalay diyan 'yung not just your personal life, siyempre nandyan din 'yung malaking kapital.” -- FRJ GMA Integrated News
